Better Gutenberg
Free, beautifully formatted public-domain ebooks
‹Better GutenbergAng Bagong Robinson (Tomo 1)Icalabing Dalauang Hapon · 18 of 19Contents›

Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

by Joachim Heinrich Campe

18 of 19 · Contents · Download EPUB

Icalabing Dalauang Hapon

Si Cárlos. ¿At sa hapon pong ito ay di ninyo pasisimulan sa amin ang alin mang historia?

Ang ama. Sa catunaya,y, napagquiquilala ninyong lahat sa aquing muc-hâ, na aco,y, natatalaga ng̃ayong magpahayag nang isang salitâ na sucat icatuto ninyo at icaalio; yayamang tayo,y, nagcatipon sa lilim nitong punong cahoy, ay samantalang linalala natin ang ating mang̃a buslô, at nang tayo,y, mabihasa sa gauang ito, ay sasalitin co sa inyo ang isang nangyari... ¿Canino caya nangyari...? Cay Robinson. ¡Baquit hindi cayo macasagot!

Si Cárlos. Mangyari pô; si Robinson ay namatay...

Ang ama. Dahandahan ca, Cárlos. ¿Anong quinalaman natin cung pinagsaulan nang hining̃a? ¿Hindi mo naaalaalà na niyong arao ay naacala na nating patay, at gayon man ay buhay pa?

Tunay ng̃a iniuan nating naghihimatay, nacahilig ang ulo, at ualang caramdaman; datapoua,t, untiunting napapaui ang caniyang pagcaliping; untiunting nagsasauli ang caniyang mang̃a caramdaman, at nagliuanag ang caniyang pagiisip.

Ang lahat. Mabuti pò, mabuti pò cun, gayon. Malaqui pong totoo ang aming caligayahan.

Ang ama. Isang malalim na buntong hining̃a ang naguing unang tandà nang pagalam niya nang pagcatauo. Ibinucas ang caniyang mang̃a mata, at inaling̃ap sa magcabicabila ang mang̃a nanlalabò niyang mata nang maalaman cung saan siya naroroon. Tila nagaalinglang̃an cung siya,y, buháy ó hindi; datapoua,t, nang matalastas na siya,y, buháy, ay totoong nagpighatî siya, sa pagca,t, doon sa cahambalhambal na calagayan ay lalò pa niyang iniibig ang magtuloy siyang mamatay.

Nararamdaman niya ang totoo niyang cahinaan, baga ma,t, ualang casaquitang anomang nagpapahirap sa caniya, at ang lagnat na totoo niyang dinaramdam, ay umouî sa pauis nang boong catauan; at nang mangyaring houag humintò ay siya,y, nagbalot nang mang̃a balat nang hayop na llama at hindi siya cumilos, hangan sa nang matapus ang calahating oras nacaramdam siya nang malaquing caguinhauahan.

Hindi naglaon at sinumpong siya nang isang malaquing cauhauan; at nang siya,y, iinom, ay naquita niyang ang tubig ay lumangtot na; datapoua,t, nang maalaala niya ang mang̃a dayap, ay hinati niya ang isa, at sa pagsipsip niya nang catas, ay nabasâ at nalamigan ang nanunuyò niyang bibig; pagcatapus nito,y, di rin tumitiguil ang caniyang pagpapauis, ay siya,y, natulog nang mahimbing hangang quinaumagahan.

¡Totoong maguinhaua ang paquiramdam niya doon sa mang̃a oras nang caniyang pagpahing̃alay cung inahahalintulad niya sa mang̃a saquit na nagpahirap sa caniya nang macaraang arao! Ang cabigatan nang saquit ay nacaraan na, uala na lamang natitira cundi isang daquilang cahinaan; at nacacaibig na siyang cumain, ay nagalmusal siya nang isang inihao na patatas, na pinigan nang dayap at nang magcalasa. Ang caniyang mang̃a hayop na hindi na niya naalaalang dalauang arao, ay nagpaquita nang catouà touang bagay; sa pagca,t, humilig sa caniyang paanan, at ang isa,y, tinitingnan siyang magaling, na parang itinatanong cung ano ang caniyang lagay. Hindi cacaunting capalaran, na ang mang̃a hayop na yaon ay nangyaring nabuhay na di umiinom na mang̃a dalauang arao, sa pagca,t, cung hindi gayon ay totoong napapasamà sila sa loob nang pagcacasaquit nang canilang pang̃inoon; bucod dito,y, sa pagca,t, hindi pa siya macabang̃on at mabig-yan niya nang tubig ang caniyang mang̃a hayop ay magdaraan pa ang ilang arao na di sila iinom.

Ang inahing hayop ay lumapit cay Robinson, at yayamang nalalapit na sa caniya ay pinagpilitan niyang gatasan. Ininom ang gatas nang may saquit, at ualang sala na di nacatulong nang malaqui sa caniyang paggaling yaong gatas na mainitinit pa, sa pagca,t, yayamang nagcacailang̃an nang mang̃a sustanciang pagcain, ay totoong nacabuti ng̃a sa caniya at nacaramdam siya nang malaquing caguinhauahan.

Natulog siyang matahimic hangan sa lumubog ang arao, at nang maguising siya,y, nacaibig cumain, at yayamang ualà siyang sucat macain cundi ang mang̃a patatas na pinigan nang dayap, ay quinain niya, at pagcatapus nito,y, muling nacatulog. Ang pagtulog na ito na totoong matagal at matahimic, at ang calacasan nang catauan nang ating may saquit ay nacatulong nang di mamagcano sa caniyang paggaling, na quinabucasan ay nacabang̃on na, at nacalacad nang caunti.

Bahaguia na lamang nacalabas sa caniyang yung̃ib; at nang dumating sa labas, ay itinaas ang caniyang mata sa lang̃it, sa oras na ang malamlam na sinag nang arao ay namamanaag magmulâ sa silang̃anan, naglalampas sa mang̃a mayamungmong sa mang̃a sang̃a nang cahoy, at dumarating hangan sa caniyang muc-hà, at dahil sa caiguihang init ay nacaguinhaua sa caniya. Inaacalà niyang siya,y, magaling na; at sa di mapiguil niyang caligayahan ay napasigao siya nang ganito: «¡Caibigibig na Pang̃inoon, masaganang batis nang cabuhayan! hinahandugan quita nang ualang licat na pasasalamat dahil sa cagaling̃ang ipinagcaloob mo sa aquing masdan co ang maliuanag na talà sa arao, at hang̃aan co ang mang̃a gauang cababalaghan nang iyong mang̃a camay. Narito acong nang̃ang̃ayupapà na cumiquilala nang daquilà mong pagaampon, sa panahong aco,y, pinababayaan nang boong mundo; di mo pinabayaang aco,y, mamatay, at nang aco,y, mabig-yan mong panahon nang pagbabago cong buhay, at nang cung samantalahin co sa gauang itong lubhang mahalaga ang lalong caliitliitang sandali, ay humahandà aco sa alin mang oras sa pagpanao dito sa bayang cahapishapis at macarating aco sa huling darating sa tauo, na doon mo bibig-yan ang baua,t, isa nang ganti sa caniyang gauang magaling ó masamà.»

Dito sa caniyang pagganting loob sa Maycapal, ay lumipat sa paggugunamgunam nang mang̃a quinapal. Pinagmamalas nang caniyang mang̃a mata ang calachan nang lang̃it, ang pananariuà nang mang̃a halamang bagong nadidilig nang hamog, ó ang caniyang mang̃a hayop na nagsisicsican sa caniya, na di lamang nagpapaquita nang caamoan, cundi naman nagpapasalamat sa caniyang paggaling. Sa pagcaquita nang bagay na yaon, na totoong catouatouà at cauiliuili, para nang dinaramdam nang isang tauong nangaling sa malayong lugar at naualang malaon, ay nuling nanunumbalic sa casamahan nang caniyang familia; ay lumambot ang caniyang pusò na iquinaluhà niya sa caligayahan.

Ang hang̃in sa parang, ang pagcain nang gatas na tinubigan at ang capayapaan nang loob ay lubos na nacatulong sa caniyang cagaling̃an; at sa ilang arao ay nagsauli ang caniyang lacás, na siya,y, macapanunumbalic na sa mang̃a guinagauà niyang bagay.

Ang caunaunahan niyang tiningnan at siniyasat ay ang caniyang mang̃a palayoc at caualing lupà, at nang caniyang maalaman cung ano ang nasapit. Datapoua,t, bahaguia na lamang niya nabubucsan ang hurno, ay naquita niyang ang lahat ay paraparang may barnis, na parang guinauà nang isang bihasa. Sa malaqui niyang caligayahan dahil sa pagcatumpac na ito, ay hindi man lamang niya naalaala na baga ma,t, siya,y, may palayoc at cauali ay hindi niya paquiquinabang̃an, sa pagca,t, ang quinuculang sa caniya ay ang lalong cailang̃an, ang apuy bagá. Datapoua,t, nang caniyang mapagisipisip ang bagay na ito ay siya,y, natiguilan at napatung̃ó ang ulo; cung minsan ay tinitingnan ang mang̃a palayoc at cauali, cung minsan naman ay ang mang̃a malalamig na abó nang caniyang sigá, at sa catapusa,y, nagbuntong hining̃a.

Gayon ma,y, di niya pinahintulutan na siya,y, talunin nang calumbayan, at niuicà niya sa caniyang sarili; «ang Pang̃inoong Dios na nang una,y, nagbigay sa aquin nang apuy, ay may maraming paraan na mabig-yan niya aco uli; at cung inaacalà niyang mararapat, ay di pababayaang aco,y, magculang nitong bagay na totoong cailang̃an.»

Dalauang bagay ang iquinaaalio niya. Ang isa,y, ang pagcatalastas na hindi na siya quinuculang nang mang̃a bagay naicaliligtas sa calamigan; at ang isa,y, baga ma,t, magmulà sa caniyang cabataan ay naugalian niya ang pagcain nang lamang cati, gayon ma,y, di na niya totoong paghihirapan na siya,y, maualan nang pagcaing yaon, sa pagca,t, sucat na sa caniya ang mang̃a bung̃ang cahoy at ang gatas nang hayop na llama.

Si Cárlos. Mangyayari pong cumain siya nang lamang cating pinaasuhan, na di nacailang̃an ang ihao pa ó ilutò pa.

Ang ama. At ¿ano ang ipagpapausoc niya?

Si Cárlos. Oo ng̃a pô pala; hindi co pô naisipan ang bagay na yaon.

Ang ama. Gayon ma,y, di niya pinagsisihan ang pagcagauà niya nang mang̃a palayoc at caualing lupà, sa pagca,t, magagauà man lamang niya na sisidlan nang gatas; at bucod sa rito,y, may pinaggamitan pa siya sa mang̃a palayoc at caualing ito na aquing sasabihin. Natatalastas niya na ang mang̃a patatas ay lalong masarap cung samahan nang manticà, at sa pagca,t, quinacailang̃an ang isang cubeto, sa macatouid ay isang sisidlang cahoy, na di niya magagauà, ay pinalitan niya ang caculang̃ang ito nang isang palayoc na malaqui, na doo,y, tinipon niya ang lahat nang gatas na inaacalà niyang casucatan. Pagcatapus ay gumauà nang isang panghalucay na cahoy na may butas sa guitnâ, at doo,y, sinulutan niya nang capirasong tangcay; at dito na niya minulan ang paghalò na ualang tahan, hangan sa nabucod ang mantequilla sa gatas. Pagcatapus ay hinugasan niya nang tubig na malinis, linag-yan niya nang asin at linamas.

Dito,y, totoo siyang naliligaya sa pagcasunod nang caniyang nasà; datapoua,t, nang ibig na niyang camtan ang bung̃a nang caniyang casipagan, ay naalaalang sapilitan siyang mang̃ing̃ilin sa pagcain nang patatas, sa pagca,t, ualang apuy na pagihauan; ito,y, isang bagay na sa pagmamadalî niya ay di na niya naisip. Ng̃ayo,y, mayroon na siyang mantequilla, datapoua,t, ang quinuculang sa caniya ay ang ihahalò; tinitingnan niya,t, ninanasang canin; datapoua,t, nang di niya macain ay siya,y, nalumbay na para nang dati. Tunay ng̃a,t, mangyayaring cumain siya nang talaba, gatas, níyog at lamangcating hilao na binugbog; datapoua,t, ¿di caya mangyayaring culang̃in siya balang arao? Ang totoong dinaramdam niya ay hindi niya maalaman ang paraan na icaguiguinhaua nang caunti nang caniyang capalaran.

¿Ano cayang bagay ang gagau-in niya ng̃ayon? Nagauà na niya yaong lahat nang bagay na sucat magauà nang caniyang camay, baga ma,t, ualang casangcapan; inaacalà na niyang ualà na siyang natitirang gagau-in; totoong mahirap na bagay na sa acalain lamang ay quinayayamutan na niya; totoong nagauî siya sa paggauà at sa pagsasamantala nang panahon. Totoong madalas niyang sabihin na caya nabago ang mang̃a masasamâ niyang caugalian, ay sa pagca,t, napipilitan siyang gumauà nang mang̃a bagay na caniyang quinacailang̃an, habang siya,y, nabubuhay na nacaisaisa. Ang laguing casipagan, aniya, ay ina nang maraming cabanalan, para nang laguing catamaran ay ina nang lahat na masasamang caasalan.

Si Luisa. Totoong mabuti ang uicà niya; capag ang isang tauo,y, ualang guinagauà, ay ualang naiisipan cundi ang mang̃a cabuhung̃an.

Ang ama. At dahil dito,y, inihahatol sa mang̃a batà, na agapang hiratihin sa paggauà, yayamang cung ano ang ating pagcabataan ay siya nating pagcacatandaan. Sundin ninyo, mang̃a anac co, ang hatol na ito, at cailan ma,y, di ninyo pagsisisihan.

Ang caauaauà nating Robinson ay nagpapalipatlipat sa iba,t, ibang lugar at nang siya,y, may magauà, at nang mailagan ang catamaran, sa catapusa,y, natagpuan niya ang sucat magauang totoong mahalaga. ¿Mahuhulaan caya ninyo cung ano yaon?

Si Juan. Cung aco sana,y, siya, ay maaalaman co na cung ano ang aquing gagau-in.

Ang ama. Cung gayo,y, sabihin cung ano ang iyong naisipan.

Si Juan. Ang gagau-in co sana,y, ang paglilinis nang mang̃a balat nang hayop na llama, at nang houag acong pahírapan nang cagaspang̃an nang balat, at aalisin co ang balahibo, at nang houag acong totoong mainitan, baquit ang pulóng yaon ay totoong mainit.

Ang ama. Datapoua,t, ¿ano ang cacasangcapanin mo sa paggauà nito?

Si Nicolás. Cung gayon po,y, ¿aling bagay ang pinilì niyang gagau-in?

Ang ama. Iniisip niya gabi,t, arao cung mangyayaring macagauà nang isang munting bangcà.

Si Juan. ¿Baquit pò?

Ang ama. Dahil sa isang bagay na totoong mahirap at totoong mahalaga, ang pagpipilit bagang macabalic sa casamahan nang mang̃a tauo, at nang siya,y, maca-ualà doon sa capanglaopanglao na pag-iisa, na magmulà noong siya,y, maualan nang apuy ay lalò siyang nalulungcot.

Inaacalà niya na hindi nalalayong lubha sa caniyang pulò ang lupang América; at cung siya,y, mangyaring magcaroon nang isang bangcâ, cahit anong liit, ay tumatalaga na siyang sumagui sa alin mang pang̃anib, at tumauid doon cung mangyayari. Sa malaqui niyang pagnanasà, ay lumabas siya isang arao sa paghanap nang alin mang punong cahoy, na caniyang mahuhucay at nang caniyang magauang bangcâ; at dahil dito,y, nilibot niya ang ibang lugar nang pulô na di pa niya nasasapit hangan niyon, napagmalas niya ang ibang halaman na di niya naquiquilala, at ninasà niyang tingan cung caniyang macacain. Natagpuan niya, bucod sa ibang mang̃a bagay, ang mang̃a ilang tangcay nang mais.

Si Nicolás. ¿Para pô baga niyong naroroon sa ating halamanan?

Ang ama. Ganoon din ng̃a. Pinagtac-han niya ang calac-han nang mang̃a pusò, na ang iba,y, may dalauang daang butil na toong malalaqui at nagcacadiquitdiquit. Inacalà niya agad na sa mang̃a butil na yaon ay magagauang pagcain at tinapay naman. Datapoua,t, ¿paano ang gagau-in niyang pagliguis? At cung ualang apuy ¿paano ang gagau-in niyang paglulutò nang tinapay? Baga ma,t, inaacalà niyang hindi maaari, ay namitas siya nang ilang pusò, at ang nasa niya,y, itanim ang mang̃a butil. ¿Sino, aniya, ang nacaaalam, cung sa calaunan ay paquiquinabang̃an co ito?

Itinuloy niya ang paglacad, at nacaquita naman siya nang isang cahoy na may bung̃ang nabibiting parang pusò, na hindi niya naquiquilala; at nang bucsan niya ang isa, ay naquita niya sa loob ang mang̃a apat na puong tila almendras na totoong malalaqui. Baga ma,t, inacalà niyang hindi mabuti ang lasa, ay itinagò niya sa supot ang ilang mang̃a bung̃ang hinog.

Si Juan. ¿At ano pô ang mang̃a almendras na yaon?

Ang ama. Mang̃a butil nang cacao na guinagauang siculate.

Si Nicolás. Mabuti ng̃a, at siya,y, macaiinom na nang siculate.

Ang ama. Dahandahan tayo. Caunaunaha,y, hindi natatalastas ni Robinson na yao,y, cacao. Sacá quinacailang̃an na ibusá, liguisin, at haluan nang asucal, na ualà siya; at houag na nating sabihin ang canela at iba pang bagay na caraniuang inihahalò, at nang magcalasa ang siculate sa pagca,t, ang caualan nitong ma~nga bagay na ito ay hindi sucat maitulad sa caualan nang apuy.

Sa catapusa,y, nacaquita si Robinson nang isang cahoy na totoong malaqui, na di niya naquiquilala na para rin nang cacao. Ang bung̃a ay totoong malaqui na para nang niyog; datapoua,t, ualang matigas na balat, at ualà namang bunót, at ang boong bung̃a ay nacacain na totoong masarap. Ang cahoy na yaon ay iba ang lagay sa niyog, sa pagca,t, ang niyog ay mayroong isang punò at sa itaas ay ang mang̃a dahon ay parang bung̃a; datapoua,t, ang cahoy na yaon ay may maraming sang̃á na nababalot nang mang̃a dahon. Nang tumagal ay napagquilala, na ang cahoy na yaon ang tinatauag na cahoy nang tínapay, na caya tínatauag na ganoon, ay sa pagca,t, ang caniyang bung̃a ay siyang pinacatinapay nang mang̃a tauong bundoc.

Minamasdan niya na ang punò nang cahoy na yaon, dahil sa caniyang catandaan ay hucáy na ang cabilang tabí; dahil dito,y, inacalà niyang yaon ang totoong mabuting gau-ing bangcâ, cung mangyayaring maihahapay niya at malalaliman nang hucay. Datapoua,t, ¿baquit puputulin ang isang cahoy na totoo niyang paquiquinabang̃an? Baquit siya,y, nagaalang̃an cung siya,y, macagaugauà nang isang bangcâ ó hindi. Ang pagcucurong ito,y, totoong nacapagpahinà nang caniyang loob; at nang matapus na niyang mapagtimbang timbang cung dapat putulin ó hindi, ay tinandaan niyang magaling ang lugar na quinatatamnan nang cahoy, at umouî siyang nagcacadalaua ang caniyang loob sa isang bagay na dapat pagcuruing magaling.

Nang ipatuloy niya ang caniyang paglacad ay natagpuan niya ang ninanasà niyang mahabang panahon, ísang pugad baga nang loro, na totoong nacatouà sa caniya. Ang maliliit na inacay na totoong nacatatacot at may mang̃a bag-uis na, ay nang̃agliparan: liban na lamang sa isa na di totoong malicsi ay napahuli cay Robinson, na totoong natouà sa pagcahuling ito, higuit sa cung siya,y, macatagpò nang isang cayamanan, at siya,y, nagtuloy na sa caniyang tahanan.

Si Luisa. ¿At ano pong mapapaquinabang niya sa isang loro?

Ang ama. Ibig niyang turuan nang ilang mang̃a pang̃ung̃usap, at nang siya,y, mauiling maquinig nang isang voces na para nang sa tauo. Tayo na nabubuhay na casama nang íbang mang̃a tauo, at sa lahat nang oras ay nacacamtan natin ang pagcaquita at pagcaring̃ig sa ibang may pagiisip na para natin, at macacausap natin sila ay inaacalà nating ualang cabuluhan yaong paglilibang na ninanasà ni Robinson cung mangyaring mapaquingan niya ang pang̃ung̃usap nang isang loro; datapoua,t, cung tayo,y, lumagay sa caniyang quinalalag-yan, at matatalastas natin na ang inaacalà natin ng̃ayon na isang bagay na ualang casaysayan, ay tunay na caaliuan niyong nalulungcot na tauong nacaisaisa.

Bahaguia na lamang dumating sa caniyang tinatahanan, ay inisip ang paggauà nang isang culong̃an na paglalag-yan nang bago niyang casama; inilagay sa siping nang caniyang hihigan, at nahigà siyang natotouà, na parang nacaquita nang isang caibigan.

← Back to Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Scroll to Top