Icapitong Hapon
Sa icalauang arao nang hapon ay si Juan, si Nicolás at si Teodora, ay nang̃ahas na binatac sa camay ang canilang ama at sa dulo nang caniyang casaca, na ang nasa,y, dal-hin siya sa buquid. Ang lahat ay naquitulong sa canila, at napilitan siyang umalis nang bahay.
Ang ama. ¿Anong laquing pagpipilit ninyo? ¿Saan ninyo aco ibig dal-hin?
Si Juan. Sa buquid, sa ilalim nang punò nang mansana.
Ang ama. ¿At baquit?
Si Nicolás. Nang ipatuloy ninyo ang sinapit ni Robinson.
Si Teodora. Oo pô, ang historia ni Robinson natin.
Ang ama. Oo ng̃a; datapoua,t, inaacalà cong hindi iquinaaalio ninyo ang aquing Robinson na para nang una.
Si Juan. ¿Baquit pô? ¿sino ang nagsabi sa inyo?
Ang ama. Cung hindi aco nagcacamalî, ay naquita co cahapon na ang ilan sa inyo ay naghihicab, at ito,y, caraniuang isang tandâ na quinayayamutan na ninyo.
Si Teodora. Hindi pô. Cami po,y, napagod sa cahuhucay sa halamanan, at talastas na ninyo na pagcatapus nang paghucay sa boong hapon, ay sapilitang magaantoc nang caunti.
Si Nicolás. Ng̃ayo,y, ualà caming guinagauà cundi ang magbunot nang damó, at dinilig namin ang ensalada lamang, caya cami hindi nagaantoc.
Si Luisa. Tingnan ninyo ang paglucso co. ¿Paanong aco,y, magaantoc?
Ang ama. Sasalitin co, yayamang siya ninyong iniibig; datapoua,t, capag cayo,y, napapagod na sa paquiquinyig nang historia ay sabihin ninyo sa aquin.
Si Juan. Hindi pô cami mapapagod, caya salitin na ninyo.
Ang ama. Sa pagca,t, sa pulò ni Robinson ay hindi matiis ang init cung arao ay napipilitan siyang cung may anomang gauà ay pinasisimulan niya sa umagang umaga, at pagtaas nang arao caniyang itiniguil, bago niya pinagbabalican capag dacong hapon na. Nagbang̃on na ng̃ang maagang maaga, dinagdagan nang gatong ang apuy, at quinain ang calahati nang niyog na caniyang natira. Inibig namang ihao ang capirasong laman nang hayop na llama, datapoua,t, sa pagca,t, may amoy dahil sa labis na cainitan, caya hindi siya nacacain nang lamang cati sa arao na yaon.
Sa oras nang caniyang pagcuha nang caniyang supot na ticang dadal-hin sa caniyang pinaggagauan nang mang̃a ladrillo, ay naquita niya ang mang̃a patatas na caniyang isinilid doon na may dalaua nang arao. Naisipan niyang ilagay ang mang̃a patatas na ito sa ilalim nang abo nang caniyang sigâ, at nang maalaman niya cung ano ang maguiguing lasa cung malutò, at capagcatapus nito ay lumacad na.
Dinalidali niyang totoo ang paggauà, na bago tumangahali ay naquita niyang mabuti na ang lagay nang caniyang mang̃a ladrillo, na inaacala niyang cailang̃an sa pagbabacod sa caniyang cusina. Saca napatung̃o sa tabing dagat sa paghanap nang mang̃a ilang talaba; totoong cacaunti ang caniyang naquita, datapoua,t, doo,y, nasumpung̃an niya nang boong caligayahan ang isang pagcaing lalò pang mahalaga.
Si Juan. ¿At ano pô yaon?
Ang ama. Isang hayop na cailan ma,y, hindi niya nacacain; datapoua,t, naring̃ig niya na ang laman niyon ay totoong mabuti at masarap.
Si Juan. At sabihin ninyo ¿cung anong hayop yaon?
Ang ama. Isang pagóng na totoong malaqui, at bihirang maquita ang ganoong calaquing pagóng sa mang̃a lugar na yaon. Ang bigat ay may isang quintal.
Si Teodora. ¡Caquilaquilabot na pagóng yaon! ¿At mayroon pang lalong malalaqui?
Si Juan. Oo, at totoong malalaqui. ¿Hindi mo naaalaala ang sinasabi sa atin nang ating ama sa historia nang mang̃a biaje niong mang̃a tauong lumibot sa paliguidliguid nang mundo, at nacaquita sila sa dagat nang dacong timugan nang ilang mang̃a pagóng na ang timbang ay may tatlong daang libra?
Si Teodora. ¡Catacottacot!
Ang ama. Pinasan ni Robinson sa balicat yaong malaquing pagóng, ó pauican, at dahandahan niyang dinala sa caniyang yung̃ib. Diya,y, pinagpupucpoc niya ang balat sa licod nang pagong hangan sa nagputoc ang bandang ibabâ; at sacá quinuha ang laman at caniyang pinatay, pumiraso nang laman na caniyang iihao. Sa caniyang capaguran ay nagcaroon siya nang gustong cumain; at habang caniyang iniihao, ay pinagiisipisip niya cung ano ang caniyang gagau-in sa natitirang laman nang pagóng at nang houag masirà, sa pagca,t, siya,y, ualang asin at sisiglang pagaasnan.
Iquinapipighati niya ang pagcagunitâ na ang laman nang pagong, na macacain niya hangang mang̃a ualong arao at mahiguit pa, ay hindi na macacain pagdating nang apat na puong oras; datapoua,t, naisipan niya ang paraan nang pagaasin. Ang balat sa licod ó talucab nang pagong ay magagauà niyang sisiglan nang pagaasnan. Datapoua,t, ang uicà niya,y, ¿saan aco cucuha nang asin?... ¡Ah, pagcahang̃alhang̃al co! aniya. ¿Sinong macapagaalis sa aquin na busan co nang tubig na maalat sa dagat ang laman nang pagong, at ito,y, para ring inasnan? ¡Mabuting caisipan! ang uícà niya; at sa malaquing catouaan sa pagcaisip niya, ay lalo siyang lumicsi nang pagiihao.
Sa catapusa,y, nang malutò na ang capiraso nang pagong, at maticman na niya ang casarapan, ay nagbuntong hining̃a at naguicà nang ganito: «¡Oh cung aco,y, magcaroon sana nang capirasong tinapay! ¡Pagcahang̃al co niong aco,y, batà, na di co natatalastas na ang capirasong tinapay ay isang daquilang biyayà nang lang̃it! Di co pa iquinatotoua niyon ang tinapay lamang, cung ualang cahalong mantequilla ó queso, at ng̃ayo,y, aariin cong isang malaquing caparalaran, cung magcamit aco nang maiting na tinapay na ibinibigay sa asong nagbabantay sa halamanan.»
Sa pagiisip niya nito,y, naalaala niya ang mang̃a patatas na caniyang iniuan sa umaga sa ilalim nang abó. Tingnan natin, aniya, cung ano ang labas; at cumuha nang isang patatas. ¡Bagong caligayahan, at bagong capalaran niya! yaong matigas na bung̃a nang cahoy na matigas ay lumambot at totoong masarap ang amoy nang biyaquin niya, na di na pinagtingnantingnan, at caniya nang isinubò, at naticman niyang totoong masarap.
Magmulà na niyaon ay natalastas ni Robinson na ang bung̃ang yaon, bagama,t, nacucuha sa bundoc, ay magagauà niyang parang tinapay.
Quinain na ng̃a niya; sa pagca,t, ang sicat nang arao ay totoong masaquit, ay naghilighiligan siyang sandali sa caniyang hihigan, at pinagcurocurò niyang magaling cung ano ang caniyang magagauà, capag nagbauas na ang init nang arao. Totoong cailang̃an, aniya, na hintin cong mabilad sa arao nang tumigas ang aquing mang̃a ladrillo, at aquing pasisimulan ang pagtatayô nang pader. Samantala,y, aco,y, lalabas nang panghuhuli nang isang mang̃a dalauang hayop na llama. Datapoua,t, ¿anong gagau-in co sa totoong maraming lamang cati? Ang dapat cong gau-in ay aquing tapusin ang cusina co, at nang aquing mapausucan ang anomang ibig cong itingal. ¡Mabuting caisipan ito! ang uicà niya; at caracaraca,y, nagbang̃on sa hihigan, napatung̃o sa talaga niyang gagau-ing cusina, at nang mapagacaacalà niya doon ang lalong mabuting paraan nang masunod niya ang caniyang ninanasà.
Hindi naglao,t, caniyang natalastas na ang bagay na yao,y, caniyang magagauà; sa pagca,t, bucsan lamang ang pader na caniyang itatayò nang dalauang butas, at isulot niya sa dalauang butas na yaon na magcatapat ang isang cahoy na mahabà, ay ualang caliuagang maisasabit niya ang lamang cating ibig niyang paasuhan, at dahil dito,y, yari na ang chimenea. Dapat na ninyong maacalà na dito sa bago niyang naisipan ay totoo siyang natotouà. Ibibigay niya cahit anoman, houag lamang di tumigas agad ang caniyang mang̃a ladrillo, at nang caracaraca,y, mapasimulan na niya ang daquilang bagay na caniyang binabantà. ¿Datapoua,t, anong dapat niyang gau-in? Ang magtiis hangang sa tumigas ang caniyang mang̃a ladrillo sa init nang arao, at samantala,y, humanap siya nang sucat magauang paquiquinabang̃an sa hapong yaon.
Sa bagay na ito,y, nagcurocurò siya, at nungò sa caniyang pagiisip ang isang bagay na totoong malaqui sa lahat at siya,y, nagtaca sa caniyang cahang̃alan at di niya naisipan agad yaon.
Si Juan. ¿At ano pô yaon?
Ang ama. Ang magalilà sa bahay nang ilang mang̃a hayop, na di lamang gagamitin niya sa pagcain cundi naman maguing casama niya.
Si Teodora. ¡Ah! ¿Di pô baga yaong mang̃a hayop na tinatauag na llama?
Ang ama. Totoo ng̃a: sa pagca,t, yaon lamang ang mang̃a hayop na caniyang naquita doon. Sa pagca,t, totoong maaamò ay inacalà niyang hindi siya magcacapagod na humuli nang dalauang buháy.
Si Teodora. ¡Totoong mariquit na bagay! at ibig cong macasama niya, at nang macahuli pa nang dalaua nang mang̃a hayop na yaon.
Ang ama. ¿Datapoua,t, ano ang gagau-in mong paraan nang macahuli cang buháy nang mang̃a hayop na llama? sa pagca,t, hindi natin dapat na acalain na totoong maaamò na napahuhuli sa camay.
Si Teodora. Cung gayo,y, ¿paanong gagau-in ni Robinson sa paghuli sa canila?
Ang ama. Diyan naririyan ang cahirapan; at ito ang pinangugulan niya nang matagal na pagiisip ó pagcucurò. Datapoua,t, capag ang tauo,y, nagaacalà nang isang bagay na may capangyarihang mayari, ay ang pagpipilita,y, ang catiyagaan at pananatili, sa pagca,t, sa catapusa,y, tatalunin niya ang lahat nang caniyang pagiisip at casipagan. Totoong daquilà ang capangyarihang ipinagcaloob sa atin nang maauaing Cumapal sa atin.
Talastasin ninyo ito; cailan ma,y, houag cayong magaalinlang̃an at malulupaypay ang inyong loob sa anomang bagay na inyong gagau-in, cahit anong hirap, houag lamang di ninyo pagtiticahang matibay hangan sa di ninyo maquitang matapus. Ang casicapan, ang laloong pagcucuro, ang catibayan nang loob, ay siyang iquinayayaring madalì nang mang̃a bagay na sa unang paggauà ay inaacalang di mayayarì. Cailan ma,y, houag ninyong pahihinain ang loob, cahit anong cahirapan ang nacahahadlang sa anomang bagay na ibig ninyong gau-in; cundi acalain ninyo na cung lalong malaqui ang pagpipilit na quinacailang̃an sa paggauà nang anomang bagay, ay lalong malaqui ang caligayahan na inyong cacamtan cung maquita ninyong matapus na.
Ganito ng̃a ang guinauà ni Robinson nang macatagpò nang paraan sa paghuling buhay nang mang̃a hayop na llama; at ito,y, ang paghahandà nang isang silò, magtatagò siya sa alin mang cahoy, at ihahaguis niya ang silò sa unang hayop na lumapit sa caniya.
Dahil dito,y, guinugol niya ang ilang oras sa paggauà nang isang lubid na may catibayan; at nang maicanà na ang silò na cung hilahin ay maghihigpit, ay tinicman niyang madalas at nang caniyang maalaman cung mabuti na, at dumadagusdos cung hilahin.
Inaacalà ni Robinson na malayò ang caraniuang iniinoman nang mang̃a hayop na llama, at sa pagaalinglang̃an niya na hindi lalapit nang batis sa dacong hapon, sa pagca,t, cailan man ay hindi niya naquiquitang naparoroon cundi tanghali lamang, ay inaliban ang caniyang paglabas sa icalauang arao, at ang caniyang guinaua,y, naghandâ nang lahat nang babaonin sa paglacad. Sa macatouid baga,y, naparoon sa lugar na quinaquitaan niya nang patatas, at pinunò niya ang caniyang supot. Ang iba,y, ibinaon niya sa abó, at inilagay niya ang natira sa isang suloc nang caniyang yung̃ib, at nang caniyang macain sa mang̃a arao na susunod. Bucod dito,y, pumutol pa nang capirasong laman nang pagong, na caniyang cacanin sa hapunan at sa quinabucasan nang umaga, sacá dinilig nang tubig sa dagat ang natira nang laman nang pagong.
Pagcatapus ay humucay sa lupà; doon inilagay ang talucab nang pagong na quinasisidlan nang lamang inasnan; sa ibabao inilagay ang capirasong inihao na cacanin sa gabi, at tinacpan nang mang̃a sang̃a nang cahoy ang bibig nang hucay na yaon.
Nang mangyaring malibang ang caniyang loob, ay nagpasial siya sa tabi nang dagat, na doo,y, masarap ang hihip nang hang̃in na nacapagbabauas sa malaquing cainitan.
Minamalas niya ang calauacan nang dagat, at iquinatotouâ niya ang pagcaquit nang mahihinhing alon, na marahang naghahalihalili, ay bahaguia na lamang nagagalao ang capatagan nang dagat. Datapoua,t, nang maibaling ang mang̃a matá sa lugar na quinalalag-yan nang caniyang bayang ninanasang sapitin ay natulò ang caniyang luhà sa matá, at nanariuà ang pagcagunità niya sa caniyang mang̃a iniibig na magulang. «¿Anong guinagauà caya ng̃ayon, ang uicà niyang lipos nang capighatian, anong guinagauà caya nang mang̃a magulang cong ualang caaliuan? Cung hindi namatay sa carahasan nang mapait na capighatiang ibinigay co sa canila, ¡laquing calungcutan ang canilang quinasapitan! ¡laquing pagbubuntong hining̃a sa di pagcacaroon cundi iisang anác, at ang anac na ito na tantong iniibig nila, ay nagasal nang totoong masamâ, na nacapang̃ahas iuan sila! Patauarin ninyo, mapalayao cong mang̃a magulang, patauarin ninyo ang palamara at naualà ninyong anac, na nagbigay sa inyo nang labis na capighatian. At Icao, mapagpalang Maycapal, nacaisaisa cong Ama, at nacaisaisa cong casama sa iláng na ito, at tagapagcupcop at caaliuan co, hulugan mo ang mang̃a iniibig cong magulang nang iyong mang̃a mahalagang biyayà, at nang lahat nang mang̃a capalaran at caguinhauahang itinatalaga mo sa aquin, at dahil sa casucaban co,y, di aco naguing dapat tumangap nang mang̃a biyayang yaon; ipagcaloob mong lahat, Pang̃inoon co, sa icaguiguinhaua nila, nang mabayaran ang mang̃a capighatian na dahil sa aquin ay canilang dinalitâ. Magcapalad nauà sila, yayamang sila,y, ualang casalanan; at sa pagca,t, aco ang sucaban ay titiisin co nang boong pag-ayon sa iyong calooban ang mang̃a capahamacan, na sa icapagbabago cong asal ay iniibig ipahatid sa aquin ng̃ayon nang di malirip mong carunung̃an.»
Sa murang balat nang isang cahoy na nalalapit sa caniya, ay iguinuhit nang sundang ang mang̃a cagalanggalang na ng̃alan nang caniyang ama at ina, tumutulô ang luhang caniyang hinahagcan, at ganito rin naman ang guinaua sa ibang punò nang cahoy na caniyang sinusulatan nang ng̃alan nang caniyang mang̃a magulang, na ang nasà niya,y, maalaala sa lahat nang oras.
Si Teodora. Si Robinson ay totoong naguiguing mabuting tauo. Tingnan pô ninyo,t, ng̃ayo,y, tila panahon na na siya,y, hang̃oin nang Dios sa mang̃a cahirapan sa pulong yaon, at siya,y, dal-hin sa bahay nang caniyang mang̃a magulang.
Ang ama. Ang Dios lamang na nacatatalastas nang lahat nang bagay, at nacaalam nang nararapat cay Robinson, ay siyang magtatalaga nang maguiguing capalaran niya. Ang mang̃a nangyari sa binatang ito, ay siyang parang nagpunlà sa caniyang puso nang binhi nang cabanalan; datapoua,t, ¿sinong nacatatalastas, cung ang mang̃a ibang bagay ay macasasamang muli sa caniya? Cung ng̃ayo,y, macaaalis sa pulô, cung macapagbabalic na muli sa bahay nang caniyang mang̃a magulang, ¿sinong macatatalastas cung ang isang masamang halimbauà, ó ang mang̃a caguinhauahan at mang̃a catamasahan, ay macapagpapasamang muli nang caniyang mang̃a caugalian? Tunay ng̃a, mang̃a anac co, yaong cahatulan na: ang nacatayo,y, maging̃at nang houag marapâ.
Habang si Robinson ay nagpapasial, para nang sinabi co na sa tabi nang dagat, ay naisipan niyang mabuti ay maligò, yayamang siya,y, batà pa ay natutong lumang̃oy. Hubad siya; datapoua,t, ¡gaanong laqui nang caniyang panguiguilalas nang maquita niya ang lagay nang caniyang barò, at baquit ualà na cundi yaon lamang! sa pagca,t, siyang nacasoot sa caniyang mahaba nang arao, baquit totoong mainit sa pulòng yaon, ay hindi na maquilala cung ano ang culay. Linabhan ng̃a niyang mabuti bago siya naligò; iniyangyang niya sa isang cahoy, at nang matuyò, bago lumusong siya sa tubig.
Lumang̃oy siyang napatung̃o sa isang pulò na lumilitao sa dagat, at cailan ma,y, di pa niya dinarating.
Ang pagpatung̃ong ito ni Robinson sa pulòng yaon ay totoo niyang pinaquinabang̃an; sa pagca,t, natalastas niya na sa mang̃a oras na pagsulong nang tubig ay lumulubog ang pulòng yaon, at sa pagurong ay naiiuan doon ang maraming mang̃a pagong, mang̃a talaba, mang̃a cabibi at iba pang macacain. Ualà siyang hinuling anoman nang arao na yaon, at niyon naman ay di niya quinacailang̃an. Sa pagca,t, niyon ay saganà siya; datapoua,t, iquinatouà niyang totoo ang pagcatalastas nito.
Ang pulòng yaon na caniyang linalang̃uyan, ay totoong masaganà sa isdâ, na halos ay caniyang mahuli sa camay; at cung mayroon siyang lambat, ay sucat macahuli nang isang libo mang isdâ. Totoo ng̃a,t, ualà siyang lambat; datapoua,t, sa pagca,t, siya,y, totoong mapapalarin sa lahat nang caniyang guinauà magpahangan ng̃ayon, ay inacalà niyang sa calaunan nang panahon ay matutumpac siyang gumauà nang isang lambat na ipang̃isdâ.
Malaqui ang caniyang touà sa mang̃a bagong bagay na caniyang naquita, umahon na nang macatapus na siya,y macapaligò na mahiguit na isang oras; at yayang tuyò na ang caniyang barò dahil sa hihip nang hang̃in, ay isinoot niyang maligaya, sa pagca,t, niyon lamang nagcaroon siya nang malinis na damit.
Datapoua,t, sa pagca,t, nagaui na siya sa pagcucurò, ay bumunggò sa caniyang pagiisip na di maglalalong lubhá ang caniyang barong yaon; sa pagca,t, laguing siyang na sa sa caniyang catauan, ay cung magcadurogdurog na ay hindi niya maaalaman cung paano ang pagcacaroon niya nang damit. Sa pagcagunità nito,y, parang natubigan ang lahat nang quinamtan niyang caligayahan; datapoua,t, pinapanghinapang niya sa boong macacayanan, at nagtuloy sa caniyang tahanan, puspos nang pagasa sa Dios na siya,y, hahang̃oin sa lahat nang caguipitan.
Si Luisa. Totoong naiibigan co nang totoo itong si Robinson. Totoong icaliligaya co na siya,y, maparito at dumalao sa atin.
Si Teodora. Cung aco po,y, bibig-yan ninyo nang isang pliegong papel, ay totoong malaqui ang pagcaibig cong sulatan ang señor Robinson.
Si Nicolás. Aco naman.
Si Juan. Di co rin naman calilimutan ang pagsulat sa caniya.
Si Luisa. Cung aco,y, marunong sumulat, ay maquiquita ninyo ang ipadadala co sa caniya.
Ang ina. Hindi cailang̃an; sasabihin ninyo sa aquin ang ibig ninyong sabihin sa caniya, at susulatin co.
Si Luisa. Ganoon ng̃a pô, inang.
Ang ina. Cung gayo,y, pumarito cayong lahat. Bibìg-yan co ang baua,t, isa sa inyo nang papel. Nang macaraan ang calahating oras ay isa,t, isang dumarating ang mang̃a batà na naglulucsuhan, at ipinaquiquita sa canilang ama ang ipadadalang sulat nang baua,t, isa cay Robinson.
Si Luisa. Narito pò ang aquing sulat, at mangyaring basahin ninyo.
Ang ama. (Binasa niya sulat ni Luisa.4
«Iniibig cong Robinson: pagpilitan mo ang paguiguing mabuting tauo at pagpapacasipag, sa pagca,t, ito,y, calulugdan nang mang̃a tauo at nang iyong mang̃a magulang naman. Tangapin mo ang aquing pacumusta. Naquita mo na na ang pagcacailang̃an ay nacapagpapagauà nang maraming bagay. Si Teodora at si Juan ay nagpapacumusta sa iyo, at gayon din si Enrique at si Nicolás. Dalauin mo cami ritong isang arao, at bibig-yan quita nang ibang mang̃a cahatulan na lalò pang magaling.
Luisa.»
Si Teodora. Ng̃ayo,y, tingnan pô ninyo ang aquin.
Binasa nang ama. «Caibigan co: ninanasà namin sa iyo ang lahat nang cagaling̃ang aming macacayanan, at capag aco,y, binig-yan nang cuarta ay ibibili quita nang anomang bagay. At pacaing̃atan mo ang pagpapacabuti nang caugalian para nang pinasimulan mo na. Tangapin mo ang caunting tinapay na ipinadala co sa iyo, at paging̃atan mong houag cang magcasaquit. ¿Ano ang lagay mo ng̃ayon? Mabuhay cang magaling, caibigan cong Robinson, na bagama,t, hindi quita naquiquilala, ay totoong iniibig quita, at aco ay ang tapat mong caibigan na si
Teodora.»
Si Nicolás. Ito pô ang aquin, maicli pò lamang totoo.
Binasa nang ama. «Minamahal cong Robinson: iquinalulumbay cong totoo ang pagcaquita cong icao ay totoong caauaauà. Cung icao ay na sa sa bahay nang iyong mang̃a magulang, ay di mo masasapit ang ganiyang mang̃a cahirapan. Iquinaliligaya co ang icao ay ualang damdam, at mabalic cang madali sa bahay nang iyong mang̃a magulang. Á Dios. Ang iyong caibigan na si
Nicolás.
Hamburgo 7 de Febrero.»
Si Juan. Ang aquin naman.
Binasa nang ama. «Sr. Robinson: quinaaauaan co cayong totoo, sa pagca,t, cayo,y, nahihiualay sa lahat nang tauo: inaacalà cong sa oras na ito,y, totoo cayong nagsisisi na. Houag cayong magcacaramdam; at ninanasa co sa boong pusò, na balang arao ay maquiquita namin cayo, cung cayo,y, papabalic na sa bahay nang inyong mang̃a magulang. Houag ninyong pabayaan ang pagasa sa Dios mulà ng̃ayon hangan sa mang̃a haharaping arao, at cayo,y, pagpapalain niya. Sinasabi cong muli, na cayo naua,y, houag magcacaramdam. Ang inyong tapat na caibigan na si
Juan.
Hamburgo 7 de Febrero.»
Si Enrique. Ualà acong guinauà cundi isinulat cong madali ang borrador na ito, at nang aco,y, macapagbalic agad dito.
Binasa nang ama. «Totoong minamahal cong catoto at señor Robinson: ¿ano pò ang lagay ninyo sa pulóng iyan? Nabalitaan co na totoong maraming cahirapan. Hindi pa ninyo natatalastas na cung ang pulóng inyong quinalalaguian, ay tinatahanan ó hindi, at icatotouà cong maalaman. Natalastas co naman na cayo,y, nacacuha nang isang malaquing guintô; datapoua,t, hindi ninyo magamit sa anomang bagay sa pulóng iyan.»
Ang ama. Idinagdag mo sana ito: «Dito man sa Europa ay hindi iquinapaguiging mabuti at iquinapaguiguing mapalad nang mang̃a tauo ang guintô.» «Lalò pa ninyong paquiquinabang̃an cung sa lugar nang guintô ay nacacuha cayo nang capirasong patalim na magagauang sundang, palacol at iba pang casangcapan. Houag nauà cayong magcacasaquit at pagutusan ninyo ang tunay ninyong catoto na si
Enrique.»
Si Teodora. At ng̃ayo,y, ¿paanong gaga-uin natin na ang mang̃a sulat na ito,y, dumating sa caniya?
Si Luisa. ¿Mayroon pa bagang sucat gau-in para nang ibigay natin sa Capitan nang alin mang sasac-yan napatutung̃o sa América? At cung gayo,y, mapadadalhan naman natin nang anomang bagay si Robinson. Ibig co siyang padalhan nang pasas at almendras; ¿bibig-yan baga ninyo aco, inang?
Si Ramon. (Binulung̃an ang canilang ama.) Ang isip nila,y, totoong buhay pa si Robinson.
Ang ama. Pinasasalamatan co cayong ualang hangan, mang̃a anac co, sa ng̃alan ni Robinson dahil sa magandang loob ninyo sa caniya; datapoua,t, hindi ninyo maipadadala sa caniya ang mang̃a sulat na iyan.
Si Teodora. ¿At baquit hindi?
Ang ama. Sa pagca,t, malaon nang panahon na ang caloloua ni Robinson ay na sa cabila nang buhay, at ang caniyang catauan ay naguing lupà na.
Si Teodora. ¿Baquit pò mamamatay, cung ng̃ayo,y, bagong capaliligò lamang?
Ang ama. Nalilimutan mo, Teodora, na ang sinasalitâ co cay Robinson, ay nangyari nang may limang puo nang taon. Datapoua,t, ng̃ayo,y, isinusulat co ang caniyang Historia, at diya,y, isasama cong ipalilimbag ang inyong mang̃a sulat. Cung caniyang matangap ang mang̃a sulat na iyan sa cabilang buhay, ay inaacala cong icalulugod niyang lubhâ ang pagcatalastas nang daquilang pagmamahal ninyo sa caniya.
Si Luisa. Datapoua,t, houag pò ninyong di ipatuloy ang lahat nang mang̃a bagay na nangyari sa caniya.
Ang ama. Oo. Sasabihin co pa sa inyo ang mang̃a nangyari sa caniyang buhay, na totoong icatotoua ninyo. Ng̃ayo,y, tila sucat na.
Si Robinson ay nang matapus nang macapaligò, ay nagbalic sa caniyang tahanan, cumain nang hapunan at nagpahing̃ang lubhang mahinahon. Tularan naman natin siya.
Talababa
Notes
4 Pinatotoohanan nang autor aleman na ang mang̃a sulat na ito,t, gayon din naman ang caramihan nang mang̃a tanong at sagot nang mang̃a batà na natalatà sa librong íto, ay tunay at sinaling magaling sa mang̃a sinasabi nang mang̃a batang tínuturuan.