Better Gutenberg
Free, beautifully formatted public-domain ebooks

Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

by Joachim Heinrich Campe

11 of 19 · Contents · Download EPUB

Icalimang Hapon

Nang magcatipon sa icalauang arao ang mang̃a nagsasalitaan sa lugar na canilang quinauiuilihan, ay naquita nilang dumating si Nicolás na totoong natotouà at nagmamagaling, at may dalang isang payongpayong̃an, na siyang pinagtac-han nang lahat. Ang guinauà niyang balangcas ay ang salaan ó calong malaqui na hiniram niya sa cocinero, at linag-yan niya nang tangcay.

Ang ina. ¡Totoong magaling, totoong magaling! camunti náng pagcamalán cong icao ay si Robinson.

Si Juan. Aco sana nama,y, magpapaquita dito nang isang payongpayong̃an, cung magcacaroon pa aco nang sandaling oras na sucat icatapus nang paggauà.

Si Teodora. Ganito rin naman sana ang nangyari sa aquin.

Ang ama. Sucat na lamang ang pagcayari ni Nicolás, at nang mapatotoohanan na tayo nama,y, mangyayaring macagauà niyan. Datapoua,t, hindi totoong malaquing bagay, catoto, ang guinaua mo.

Si Nicolás. Hindi co naman dinala ito rito cundi sa pagcacailang̃an, at sa pagca,t, hindi aco nacagauà sa sandaling panahon nang iba.

Ang ama. (Quinuha niya sa licod nang bacod ang isang payongpayong̃ang guinaua niya, at itinanong niya.) ¿Ano caya? ¿anong ting̃in mo rito?

Si Nicolás. ¡Oh, iyan ang totoong mariquit!

Ang ama. Aquing iing̃atan ito hangang dumating sa catapusan nang Historia, at ang matumpac na tumulad nang mang̃a bagay na gagauin ni Robinson, ay siya nating aariing Robinson dito, at ibibigay co sa caniya ang bagay na ito.

Si Teodora. ¿At gagaua baga naman tayo nang isang lungang para niya?

Ang ama. ¿At baquit hindi?

Ang lahat. Cung gayo,y, magaling.

Ang ama. Madaling arao pa,y, nagbang̃on na si Robinson at naghanda na sa paglacad, isinabit sa liig ang caniyang supot, nagtali sa bayauang na doon isinabit ang caniyang palacol, pinasan ang caniyang payong, at minulan na ang caniyang paglacad nang boong casiglahan nang loob.

Ang unang guinauà ay nagdaan siya sa punò nang niyog niya at cumuha nang dalauang buco, na isinilid niya sa caniyang supot, at bucod sa baong ito, ay nagdaan pa sa tabi nang dagat at humanap nang ilang talaba. Nang siya,y, macapagbaon na nitong dalauang pagcain at macainom na nang malamig na tubig sa batis, ay minulan na ang caniyang paglacad. Ang umaga ay mapayapa, at habang ang arao ay sumusung̃ao sa silang̃anan, na parang umaahon sa mang̃a alon nang dagat, ay nababanaagan nang masanghaya niyang sicat ang matataas na sang̃a nang cahoy; di mabilang na ibon, malalaqui,t, mumunti at sarisaring balahibò, ay nang̃agaauitan na parang binabati nila at ipinagdiriuang ang bagong paglabas nang arao. Totoong dalisay at cauiliuili ang sandaigdigan, na parang bagong cagagaling sa camay nang Dios; at ang mang̃a halaman at mang̃a bulaclac ay nagsasambulat nang canilang cabang̃ohan.

Naramdaman ni Robinson na ang caniyang puso,y, napuspos nang caligayahan at pagquilala sa auà nang Maycapal. Dito, aniya, dito at sa lahat nang lugar ay ilinalathala ang capangyarihan nang Ama nang sangmaliuanag; at naquisamò siya sa pagsasaliuan nang mang̃a ibon na caniyang inauit, itong dalit sa umaga:

Daraquilang Dios, sa aqui,y, nagbigay
niring pagcatauo,t, boong cagaling̃an,
icao ang may ari at nacaaalam
nang cabuhayan co at nang camatayan.

Ang arao na ito bagong nagcacalat
nang tanglao sa mundo nang masayang sinag
iniaalay co nang boong pagliyag
sa iyo, daraquilang Poong sacdal taas.

Maamo mong mata ay iyong itunghay
sa baua,t, sandali sa aba cong lagay,
at iyang camay mong macapangyarihan
ay iligtas aco sa capanganiban.

Sa lubhang matamis na aquing pagasa
sa caauaan mo, mapagpalang Ama,
ay di itutulot aco,y, magcasala
sa iyong calac-hang ualang macapara.

Ang caguipitan co,y, iyong mamamalas,
caruc-haa,y, sacdal at salat na salat,
tangapin mo nauà ang pagod at puyat
nitong si Robinson alipin mong hamac.

At tutularan co ang capayapaan
nang mang̃a lingcod mong loob na hinusay;
inaasahan ca habang nabubuhay
maguing sa ligaya at capighatian.2

Pagca,t, natatantô ang iyong parusa
ay hindi sa poot, cundi sa pagsinta;
ipinapalit mo ang sandaling dusa
sa hirap na ualang catapusa,t, hanga.

Ang tauong lagui nang inaalalayan
nang saganang touà at caligayahan
ay sampo nang Dios nacacalimutan
puso,y, nahihilig sa tanang quinapal.

At dili miminsang ang nagugupiling
ay pinupucao mo nang dusa,t, hilahil,
nang houag magtuloy mabulid na tambing
sa dalitang ualang pagasang hihintin.

Pasalamatan ca nang sangcatauohan,
pasalamatan ca nang sangdaigdigan,
Dios na iisa at ualang capantay,
puspos nang pagsinta sa hamac na capal.

At icao, ó Virgen, na linarauanan
nang dilág ni Ester at pagtatangcacal
sa bayan nan Judio niyong dacong arao
ang abang palad co nama,y, alalayan.

At icao, ó Santong lubhang daraquilà,
hinirang nang lang̃it sa lalaquing madlà
na maguing Esposo niyong natimauà
at di tinamaan nang sa salang sumpá.

Tunghayan nang iyong mahabaguing mata,
mapalad na Joséng Esposo ni Maria,
itong si Robinsong nacaisaisa
sa guitnâ nang iláng at madlang pang̃amba.

Gayon din sa iyo, daquilang Arcángel,
lubhang mapagpalá pang̃ala,y, Rafael:
iyong patnugutan sa madlang hilahil
itong nananaghoy na iyong alipin.

Si Teodora. ¡Ay! ama co, ¿ibig baga ninyong ibigay sa aquin iyang mang̃a tulang totoong mariquit, at nang aquing mabasa at macanta touing umaga sa pagbang̃on?

Ang ama. Oo.

Si Ramon. Capag natutuhan mo ang letra, ay ituturo co sa iyo ang tono, at nang ating macanta.

Si Nicolás. Oo ng̃a, pagaralan nating lahat.

Ang ama. Nagdadalang tacot pa si Robinson sa mang̃a hayop sa bundoc at sa mang̃a tauong damó, ay pinaging̃atan niya ang pagdaan sa masusucal na gubat, at ang hinahanap niyang lacaran ay ang malilinis na caparang̃an, at nang maquita niyang madali ang ano mang bagay; datapoua,t, ang mang̃a lugar na yaon ay siyang lalong salat, na ualang sucat maquitang pagcain, caya ng̃a mahaba na ang caniyang nalalacad ay ualang naquiquitang anomang bagay na sucat ma cabayad sa caniyang capaguran.

Sa catapusa,y, nacatanao nang ilang mang̃a halaman na inacala niyang nararapat lapitan at siyasatin. Totoong nagcacalapitlapit na naguing parang isang cagubatan, at namasdan niya na ang iba,y, may bulaclac na mapulapula, ang iba,y, mapuputi, at ang iba,y, ualang bulaclac cundi mang̃a bung̃ang mapupusiao na casinglaqui nang bayabas natin dito sa Filipinas. Quinagat niya capagdaca ang isa; datapoua,t, naquilala niyang di sucat macain, at totoong nagalit siya, na capagdaca,y, binunot niya ang halaman, at ihahaguis na sana, ay siyang pagcaquita niya sa mang̃a ugat ay may nabibiting tila mang̃a tugui na malaqui,t, munti. Inacalà niyang iyon ang tunay na bung̃a nang halaman: tinicman niya, at nang caniyang malasahang masaclap at matigas ay itinapon na sanang lahat. Datapoua,t, sumilid sa caniyang pagiisip yaong cahatulang, na di dapat nating acalain na ualang casaysayan ang ano mang bagay, sa pagca,t, di natin naquita agad ang cagaling̃an nila. Itinago na ng̃a sa caniyang supot yaong mang̃a bung̃ang tila tugui, at ipinatuloy na ang caniyang paglacad.

Si Juan. Natatalastas co na cung ano yaong mang̃a tila tuguing yaon, cung ano ang ng̃alan.

Ang ama. Tingnan natin cung ano ang isip mo.

Si Juan. Yaon po,y mang̃a patatas, na gayon ng̃a cung tumubò para nang sinabi ninyo.

Ang ama. Sa catunaya,y, ang patatas, na cung sabihin nang iba ay papas ay caraniuang tumutubò sa América, at sinasabing doon quinuha nang isang inglés na ang pang̃ala,y, si Francisco Drakne.

Si Teodora. Datapoua,t, malaquing hang̃al yaong si Robinson, na hindi nacaquiquilala nang mang̃a patatas.

Ang ama. ¿At icao ay baquit mo naquiquilala?

Si Teodora. Sa pagca,t, aquing naquita at quinain cong madalas, namamatay aco sa pagcain nang mang̃a patatas na yaon.

Ang ama. Datapoua,t, si Robinson ay hindi nacacain at di nacaquita marahil nang mang̃a patatas.

Si Teodora. ¿Diyata po,t, hindi?

Ang ama. Hindi, sa pagca,t, ualà pang dumarating sa Alemania. Hindi pa nagdaraan ang maraming taon nang tayo,y, magtanim dito, at nauna pang nabuhay si Robinson.

Si Teodora. Cung gayo,y, patauarin ninyo aco, cung aco,y, nagcasala sa caniya.

Ang ama. ¿Naquita mo na, Teodora, na totoong lihis sa catuiran ang biglang pagpintas sa iba? Ang caunaunahang dapat nating gauing palagui ay ang lumagay tayo sa lagay nila, at masdan natin cung sa gayong calagayan ay macagagaua tayo nang higuit sa canila. Sabihin mo sa aquin: cung cailan ma,y, hindi ca nacaquita nang patatas, na hindi mo narinig na cung paano ang guinagauang paglulutò, ¿di caya matutulad ca rin cay Robinson na di mo mapagquiquilala na yao,y, quinacain?

Si Teodora. Cung gayon pò ay hindi co na gagauing mulî.

Ang ama. Nagpatuloy si Robinson; datapoua,t, nagdarahandahan at tila totoong may pinang̃ing̃ilagan, at houag di may cumaluscos ay natatacot siya, pati sa mang̃a cahoy na hinihipan nang hang̃in, at pagdaca,y, tinatangnan ang caniyang palacol na ipagtatangol cung baga,t, cailang̃an. Datapoua,t, sa touîtouî na,y, palagui niyang napagquiquilala na ualang cabuluhan ang caniyang quinatatacutan.

Sa catapusa,y, dumating sa isang bucal, na sa tabi niyao,y, inibig niyang magpahing̃alay nang tanghalì; at umupò siya sa piling nang isang cahoy na totoong mayabong, at humahandà nang cumain, di caguinsaguinsa,y, bigla siyang nacarinig nang isang caing̃ayan sa dacong malayò na iquinagulat niyang panibago. Tuming̃in siyang quiniquilabutan sa magcabilabila at sandaling oras ay naquita niya ang isang cauan....

Si Nicolás. ¿Nang mang̃a tauong bundoc caya...?

Si Teodora. ¿Ó nang mang̃a tigre at mang̃a leon?

Ang ama. Capouà di cayo tumamà, yaon ay isang cauan nang mang̃a hayop sa bundoc na ang laqui ay para nang usa. ¿Ibig ninyong matalastas cung anong mang̃a hayop yaon?

Si Juan. Oo pô; sabihin ninyo sa amin.

Ang ama. Iyan ay ang tinatauag na llama, at ang canilang tinatahanan ay ang América Meridional, na tinatauag na Perû, na nasasacop hangan sa mang̃a huling taon nang mang̃a castilà. At tauag nila sa mang̃a hayop na yaon ay carnero ó tupa, sa Perû, baga ma,t, lalong natutulad sa mang̃a maliliit na camello. Bago napagsiyasat ni Varró at ni Almagro yaong mang̃a daquilang lugar na yaon, ay ang mang̃a peruleros na tumatahan doon ay nacapagpaamò na nang llama: na guinagamit nila na parang mang̃a calabao sa pagdadala nang ano mang bagay, at ang canilang balahibo ay guinagauang cayo.

Si Juan. ¿Cung sa bagay, ay ang mang̃a perulero ay hindi totoong mang̃a tauong damó na para nang ibang mang̃a indio?

Ang ama. Oo ng̃a; sila at ang mang̃a americano na na sa América setentrional ay totoong mang̃a sivilisado, at may maliuanag na pagiisip, ang tinatahanan nila,y, mang̃a bahay na mabuti ang pagcayari, at bucod dito,y, nacapagtayò sila nang mang̃a simbahan at mang̃a daquilang palacio at ang namamahala sa canila ay mang̃a Gobernadores sa lugar nang mang̃a hari.

Sa maquita ng̃a ni Robinson yaong caramihan nang mang̃a hayop, na magmulà ng̃ayon ay tatauagin nating mang̃a llama, ay nagcaroon siya nang malaquing pagcaibig na macacain nang carne ó lamang cati, sa pagca,t, matagal nang panahon na di siya nacacatiquim nito. At dahil dito,y, nagtagò siya sa punò nang cahoy, na dala niya ang caniyang palacol na bató, at sinucuban niya, na cung mayroong magdaraan doong hayop ay caniyang papalaculin.

Gayon ng̃a ang nangyari; sa pagca,t, lumalacad nang ualang bahalá ang mang̃a hayop na yaon na nahihirating lumalacad nang ualang nacaliling̃atong sa canila, at napatutung̃o sa bucal, at sila,y, iinom, ay sa pagdaraan sa tabi nang cahoy na doon ay nagtatago si Robinson, ang isang pinacamaliit na totoong napalapit sa caniya, ay inabot niya nang palacol sa sandocsanducan na biglang namatay at nahandusay sa caniyang mang̃a paa.

Si Luisa. ¡Laquing catampalasanan ang guinaua niya sa caauaauang hayop!

Ang ina. ¿At baquit hindi gagauin ito?

Si Luisa. Cung ualang guinagaua sa caniyang anomang masamâ ang hayop, ¿ay baquit niya pinatay?

Ang ina. Mangyari, ay quinacailang̃an niya ang laman at nang caniyang macain. ¿At di mo natatalastas na tayo,y, pinahihintulutan nang Dios na gamitin natin ang mang̃a hayop, cung ating quinacailang̃an?

Ang ama. Ang pumatay nang hayop nang ualang cailang̃an, ang caniyang pahirapan, ó gambalain naman, ay maliuanag na isang catampalasanan, at sino mang may mabuting pusò ay dili gumagauà nito: datapoua,t, ang paquinabang̃an natin ang isang hayop na ualang caloloua, at patayin natin nang ating macain ang caniyang laman, ay ito,y, hindi ipinagbabaual. At cung naaalaala mo pa ang ipinahayag co sa iyo niyong isang arao, ay matatalastas mo na isang cagaling̃an pa sa mang̃a hayop cung sila,y, patayin natin.

Si Juan. Mangyari pò; sa pagca,t, cundi natin pinagcacailang̃an ang mang̃a hayop, ay hindi natin sila aalilain, at hindi bubuti ang canilang lagay na para ng̃ayon. ¡Ilan ang mamatay gutom sa panahon nang taglamig!

Si Enrique. At lalò pang magdaralità, cung di natin patayin ay mamamatay sa saquit ó sa catandaan, sa pagca,t, sila,y, hindi nacapagtutulung̃an na para nating mang̃a tauo.

Ang ama. At bucod dito,y, houag nating acalain na ang pagpatay sa mang̃a hayop ay totoong nacapagbibigay sa canila nang totoong malaquing cahirapan, para nang sapantahà natin. Hindi nila natatalastas na sila,y, papatayin, ay sila,y, payapang payapà at natotouâ hangan sa huling sandali; at ang casaquitang dinaramdam nila cung sila,y, pinapatay natin ay hindi naglalaon.

Hangan sa mapatay ni Robinson ang isang hayop na llama, ay hindi naisipan ang paglulutò nang caniyang laman.

Si Luisa. ¿Baquit di niya mailulutò?

Ang ama. Ibig ng̃a niya; datapoua,t, ang casamaan ay salat na salat siya sa lahat nang bagay; ualà siyang ihauan, ualà siyang palayoc, at cauali man; at ang lalò pang masama,y, ualà siyang apuy.

Si Luisa. Cung ualà siyang apuy ay magpaning̃as siya.

Ang ama. Hindi mahirap, cung mayroon siyang isang binalol, isang bató at lulog. At natatalastas mo nang ualà siyang ano man.

Si Juan. Natatalastas co ang dapat cong gauin.

Ang ama. ¿Ano?

Si Juan. Pinagpuyos co sana ang dalauang cauayang tuyò, para nang guinagauà nang mang̃a tauong bundoc; at sa historia nang mang̃a paglalayag ay binasa pô ninyo sa amin.

Ang ama. Ito rin ang naisipan ni Robinson. Pinasan sa balicat ang hayop na yaon na caniyang pinatay, at nagbalic sa caniyang tinatahanan.

Sa pagbalic niya ay nacaquita pa nang isang bagay na iquinatouâ niya nang labis. Nacaquita siya nang pito ó ualong punò nang dayap, at nalalaglag na ang ilang bung̃ang hinog. Pinutol niya, at pagcatapus ay nilag-yan niya nang tandâ ang lugar na yaon na quinalalag-yan nang mang̃a punò nang dayap, at nagmadaling omouî sa caniyang tahanan.

Ang unang guinauà nang siya,y, dumating doon ay inanitan niya yaong hayop, at ang naguing casangcapan niyang sundang ay isang matalas na batô; at saca ibinilad niya ang balat na inaacalà niyang balang arao ay caniyang paquiquinabang̃an.

Si Juan. ¿At ano ang gagauin niya sa balat?

Ang ama. Maraming bagay: ang una,y, napupunit na ang caniyang sapin at medias; at caya ng̃a pinagcurò curò niya na cung sacaling di na niya maisoot, ay ang balat nang hayop na caniyang napatay ay itatali na lamang niya sa caniyang paa, at nang houag siyang totoong mahirapan sa caniyang paglacad. Ang icalaua,y, totoong iquinatatacot niya ang pagdating nang taglamig; at caya ng̃a totoong iquinatotouâ niya ang pagcacaroon nang capisang na balat na maitaquip niya sa catauan at nang houag siyang mamatay sa lamig. Tunay ng̃a na hindi na dapat siyang maghandà nang ganito, sa pagca,t, sa mang̃a lugar na yaon ay hindi malabis ang lamig na para rito.

Si Teodora. ¿Sa bagay ay ualang taglamig?

Ang ama. Hindi, cailan man ay hindi nararanasan ang totoong calamigan sa mang̃a bayan ó lugar na maiinit na na sa calaguitnaan nang dalauang trópico. Hindi pa nalalaong sinasabi co sa inyo. ¿Di baga ninyo nalilimutan ang tauag sa mang̃a lugar na ito?

Si Enrique. Tinatauag pong zona tórrida.

Ang ama. Gayon ng̃a; datapoua,t, sa mang̃a lugar na yaon naman ay palagui ang ulan sa loob nang dalaua ó tatlong buan.

Ang ating Robinson ay hindi nacatatalastas nang ano man sa mang̃a bagay na ito, sa pagca,t, sa caniyang cabatáan ay ayao siyang magaral nang ano man; na sa macatouid ay ang Historia, Geografia at ang lahat ay quinacayamutan niya.

Si Juan. Datapoua,t, tila pò minsang nabasa namin na ang bundoc na totoong matataas, na para nang Pico de Tenerife sa Canarias, at para naman nang iba pa sa Perú, ay nacucubcob nang nieve ó namumuong tubig sa boong taon. Quinacailang̃ang doo,y, palagui ang taglamig, at gayon man ay na sa calaguitnaan ang dalauang trópico.

Ang ama. May catouiran ca, Juan. Ang mang̃a totoong matataas na lugar at mang̃a bundoc ay hindi nasasaclao nang regla, sa pagca,t, sa canilang cataasan ay caraniuang mayroong nieve. ¿Natatandaan mo naman ang sinabi co sa iyo noong isang arao tungcol sa mang̃a lugar nang India Oriental, niyong ating pinagmamasdan ang mapa?

Si Juan. ¡Aha! Oo ng̃a pô... Sa ibang mang̃a lupà doon ay sa lumacad ca lamang nang dalaua ó tatlong leguas; sa invierno ó calamigan, ay lumilipat ca sa verano ó cainitan; para sa pulò nang Ceilan, na nasasacop nang mang̃a holandeses; at gayon naman sa ibang lupa na tinatauag na...

Ang ama. Tinatauag na Peninsula Citerior ó sa daco rito nang Ganges. Dian, capag sa tabing dagat nang Malabar, sa isang bahagui nang mang̃a bundoc na tinatauag na Gates ay invierno, ay sa cabilang parte, sa Costa nang Coromandel, ay verano, at cung verano sa cabila ay dito,y, invierno. Ganito rin naman ang nangyayari sa isla de Ceram, isa sa mang̃a islas Molucas, na sa pagcalayong tatlong leguas ay nararanasan ang taginit at taglamig.

Datapoua,t, ¿ilang leguas ang iquinalayò natin cay Robinson? Hindi sucat pagtac-han na sa cabilisan nang ating pagiisip ay ualang caliuagang macalipat tayo sa isang sandali sa ilan mang libong leguas. Magmulà sa América ay lumucso tayo sa Asia, at ng̃ayo,y, biglang naparito na naman tayo sa América sa pulò ni Robinson.

Bahagya na lamang napapacnit ang balat nang hayop na llama, at nahahang̃o ang mang̃a lamang loob, ay hiniuà niya ang capirasong laman tangcang iihao. Ang una niyang guinauà ay naghanda siya nang isang iihauan, na bumunot siya nang isang punong cahoy na munti, inalisan na niya nang balat, tinulisan niya ang dulo, at saca humanap nang dalauang sang̃ang capua may salalac, na caniyang pagsasalalacan nang caniyang duruan. Tinulisan naman niya ang dulo; at nang matapus na niyang maibaon sa lupa na magcatapat; nang tinuhog na niya ang laman nang hayop, at inilagay nasasalalac, ay totoong malaqui ang caniyang caligayahan sa pagcaquita niyang lumabas na magaling ang caniyang guinagauà.

Ang quinuculang lamang sa caniya ay ang lalong cailang̃an, ang apuy baga; at dahil dito,y, inisip niya ang pagpupuyos, pumutol siya nang dalauang sang̃ang tuyò, at pinasimulang ualang caliuagan ang pagpupuyos nang boong pagpipilit, na sa capagura,y, naligò sa pauis, gayon ma,y, hindi niya nasunod ang nasà, sa pagca,t, capag ang mang̃a cahoy ay nagiinit na,t, naguusoc, ay siya,y, totoong napapagod na, at napipilitang itiguil na sandali ang pagpuyos; at sa pagca,t, lumalamig ang puyusan sa caniyang pagpapahing̃a, ay hindi mangyaring macacuha nang apuy at nasasayang lamang ang caniyang capaguran.

Dito napagquilala niya ang totoong casalatan nang tauong nacaisa isa, at cung gaanong cagaling̃an ang quinacamtan natin sa paquiquisama sa ibang mang̃a tauo; sa pagca,t, napagcucurò na ninyo na cung may isa siya sa caniyang siping na pagcapagod niya,y, halinhan siya, ay marahil ay macacacuha sila nang apuy. Datapoua,t, dahil doon sa hindi matiis niyang pagpapahing̃a ay nasasayang ang caniyang pagod.

Si Juan. Inaacalà cong ang mang̃a tagabundoc ay nacacacuha nang apuy sa pagpupuyos.

Ang ama. Tunay ng̃a,t, nacacucuha nang apuy, ng̃uni,t, bucod sa sila,y, malalacas sa atin, dahil sa tayo,y, hindi nararatihan sa mabibigat na gagau-in, ay sila,y, bihasa pa. Pumipili sila nang dalauang baac na cauayan; ang isa,y, malambot at ang isa,y, matigas; ang matigas ay siyang ipinupuyos sa malambot hangang di magcaapuy ang yamuang inilalagay nila sa ilalim.

¿Anong mapapaquinabang ni Robinson cung hindi siya marunong nang paraang ito? Sa catapusa,y, inihaguis niya ang dalauang sang̃ang caniyang pinupuyos; at nalulumbay na umupò sa caniyang pinacabanig na damo, nang̃alumbaba at humilig; at manacà naca,y, tinitingnan ang masarap na laman nang hayop na masasayang, sa pagca,t, di maihao. Naalaala niya ang pagdating nang taglamig, na nalalapit na; at pinagcucurocurò niya na cung ano ang masasapit niya sa gayong ualà siyang apuy, ay sinalacayan siya nang isang malaquing calumbayan, na iquinapagbang̃on niya at iquinapagpasial sa pagca,t, siya,y, totoong nababalisa.

Sa pagca,t, naramdaman niya na parang hinahalò ang caniyang dugò sa malaquing cabalisahan, ay isinaloc niya nang malamig na tubig sa batis ang caniyang bauo, at pinigan niya nang catás nang dayap; na yao,y, totoong mabuting inumin at lunas sa caniyang calagayan.

Totoong ninanasa niyang maihao ang capisang na laman nang hayop na llama; ng̃uni,t, di ng̃a mangyari. Datapoua,t, naalaala niya ang isang salitâ na ang mang̃a Tártaro, baga ma,t, tauong para natin, ay ang guinagaua,y, ang laman nang hayop ay inilalagay sa ilalim nang siya nang cabayo, saca sinasac-yan at saca sa capapatacbo ay lumalambot: ¿sinong nacaaalam, ang uicà sa caniyang sarili, cung mapalalambot co naman ang laman nang hayop sa ibang paraan?

Capagcauicà nito,y, humanap nang dalauang batong malalapad na para nang caniyang palacol at ipinaguitna ang laman nang hayop sa dalauang bató, at pinasimulang pinucpoc sa ibabao. Nang lima ó anim na minuto na sa caniyang capupucpoc ay nahalata niyang nagiinit ang bató. Dito lalò niyang inululan ang capupucpoc at sa loob nang calahating oras ay sa cainitan nang bató at sa capupucpoc ay lumambot ang laman nang hayop, na inacalà niyang macacain na. Sucat nang maacalà cung ano ang maguiguing lasa nang gayong linutò sa pucpoc lamang; datapoua,t, sa cay Robinson, na mahaba nang panahong hindi nacacain nang lamang cati, ay inaari na niyang isang masarap na pagcain yaon. ¡O cayo, aniyang mang̃a cababayan co, ang uica, na caraniua,y, pinagsasauaan ninyo ang lalong masasarap na pagcain, sa pagca,t, hindi palaguing naaayon sa inyong catacauan! Cung sinapit ninyo ang aquing calagayan na mang̃a ualong arao man lamang, ¡marahil ay icatotouà ninyo ang ipinagcacaloob sa inyo nang Dios! ¡At hindi ninyo pauaualang halaga ang lalong mabubuting pagcain, na parang cayo,y, nagpapalamarang lubhà sa auà nang Pang̃inoong Dios na ang lahat ay binubusog!

Nang mangyaring magcaroon nang lasa ang caniyang ulam ay pinigan niya nang catás nang dayap; at nagcaroon siya nang isang pagcain na hindi niya natiticmang mahaba nang arao, dahil dito,y, di niya quinalimutan ang pagpapasalamat sa Pang̃inoong Dios na may gauà nang lahat nang cagaling̃an dahil dito sa tang̃ing biyayà.

Nang matapus nang macacain, ay sumanguni siya sa caniyang sarili, cung anong bagay ang cailang̃an niyang gauin, at nang mapasimulan niya capagdaca. Ang pagcatacot niya sa taglamig, ay parang nagtuturò sa caniya na gugulin niya ang ilang arao sa paghuli at pagpatay nang maraming mang̃a hayop na llama, at nang magcaroon siya nang maraming balat. Inacalà na niyang marami siyang mahuhuli sa caunting pagod, yayamang maaamò ang mang̃a hayop na yaon. Nahiga na si Robinson na ang ninanasa,y, ganito; at nabayaran niya nang isang mahimbing at masarap na pagtulog ang mang̃a capaguran sa arao na yaon.

Talababa

Notes

2 Dinagdagan pa nang ualong estrofa nang tumagalog

← Back to Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Scroll to Top