Better Gutenberg
Free, beautifully formatted public-domain ebooks

Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

by Joachim Heinrich Campe

10 of 19 · Contents · Download EPUB

Icaapat Na Hapon

Ang ama. Ng̃ayon, mang̃a anac co, ¿saan natin iniuan cahapon si Robinson?

Si Juan. Natutulog sa cahoy na para nang uac sa fábula.

Ang ama. Oo ng̃a. Cung gayo,y, dapat mong maalaman na siya,y, nacatulog nang matahimic sa gabing yaon, na di nahulog at di naalimpung̃atan. Nang quinaumagaha,y, napatung̃o pagdaca sa tabing dagat sa paghanap nang mang̃a talaba, at ang nasa,y, madaling magbabalic siya at ipatutuloy ang caniyang pagbabacod; datapoua,t, sa pagca,t, naiba siya nang daan, ay nagcapalad siyang nacaquita nang isang cahoy, na may isang bung̃ang totoong malaqui, na di pa niya naquiquilala cung ano yaon. Ang laqui nang naturang bung̃a ay humiguit cumulang sa ulo nang isang tauo, na cung alisin ang unang balat ay may lumalabas na bunót; datapoua,t, ang loob ay totoong matigas na para nang talucap nang pagóng, caya ng̃a pagdaca,y, inacala ni Robinson na magagauà niyang mangcoc. Ang pinacaubod ay malambot at masarap. Sa nagugutom na para ni Robinson ay totoong masarap na pagcain ito; datapoua,t, nang hindi magcasiya sa caniya ang iisa, ay pumitas pang mulî at cumain nang isa pa; at sa malaquing ligaya,y, natulô ang luhà dahil sa pagcaing caniyang napalaran, itinaas ang caniyang mata sa lang̃it, tandà nang caniyang pagpapasalamat.

Totoong malaqui ang cahoy na yaon; at humihilic nang bung̃a, datapoua,t, ang casam-an lamang ay nacaisaisa sa lugar na yaon.

Si Teodora. ¿At anong bagay na cahoy yaon na dito sa atin ay ualà?

Ang ama. Yaon ay niyog, na ang caraniuan ay tumutubò sa India Oriental, at totoong mararami rin naman sa mang̃a pulô sa América.

Totoong naligaya si Robinson sa pagquita nito; datapoua,t, hindi pinabayaan ang pagparoon sa tabing dagat, at tiningnan niya cung may talaba. Nacaquita nang ilan; datapoua,t, hindi macasasapat na caniyang canin; at caya ng̃a totoong nagpasalamat sa Dios, sa pagca,t, pinagcalooban siya sa arao na yaon nang ibang cacanin. Itinagò niya ang mang̃a talaba na talagang tatanghalian, at ipinatuloy ang caniyang pagbabacod.

Siya,y, nacaquita sa tabi nang dagat nang isang malaquing talaba, na nagamit niyang panghucay, at iquinadaling lubhà nang caniyang pagbabacod. Nacaquita naman siya nang isang halaman na may maraming totoong maliliit na baguing na parang abacá. Cung sa ibang panahon niya naquita disin, ay pauaualang halaga; datapoua,t, sa pagca,t, niyon ay ang lahat ay minamalas niya at sinisiyasat na magaling, pati nang lalong caliitliitang bagay na sucat paquinabang̃an. Sa pagasa niyang magagamit niya ang baguing na yaon, ay cumuha siya nang marami at caniyang tinalian at ibinabad. Napagmasdan niya nang mang̃a ilang arao naquita niyang lumalambot sa tubig ang pinacabaloc; at ang guinauà niya,y, inihalayhay sa arao. Sacá nang matuyo,y, caniyang pinucpoc nang isang punong cahoy at lumabas ang tila abacá. Nang siya,y, matumpac sa gauang ito, ay pinasimulan na ang paggauà nang lubid na, baga ma,t, hindi totoong pilí sa pagca,t, ualà siyang gantala; gayon ma,y, totoong matibay na sucat niyang maitali ang caniyang talaba sa dulo nang capisang na cahoy; at caya ng̃a nagcaroon siya nang isang casangcapan sa paghucay. Ipinatuloy niya ang caniyang pagbabacod hangan sa caniyang nasarhan ang boong palibot nang inaacalà niyang tatahanan. Datapoua,t, sa pagca,t, ang isang hanay lamang nang mang̃a cahoy na yaon ay totoong mahinà, ay pinagpilitan niya, cahit anong pagod, na magcaroon pa nang isang hanay na para nang nauna. Sacà pinagtalitali ang mang̃a sang̃a nang dalauang hanay na bacod; at naisipan pa niya na pataasin ang lupà sa pag-itan nang dalauang bacod; dahil dito,y, totoong tumibay, na lubhang mahirap maibual.

Dinidilig niya sa umaga,t, hapon nang tubig sa malapit na batis ang caniyang tanim, na guinauang pandilig ang cabaac na bauo. At di pa nalalaong lubhà ay naquita niya nang malaquing touà na nanariuà at umusbong na ang mang̃a halaman na caligaligayang tingnan.

Nang mayari na ang caniyang bacod, ay guinugol ang boong maghapon sa pagpili nang lubid na malaqui, na quinauà niyang hagdan na totoong pinacaigui.

Si Enrique. ¿At an-hin baga niya ang hagdanan?

Ang ama. Ng̃ayon mo maaalaman. Ang caniyang adhicâ ay houag magcaroon nang pintuan ang caniyang tahanan, at babatbatin niya nang bacod ang munting bucás na caniyang pinapasucan.

Si Enrique. Datapoua,t, ¿paanong gagauin niya ang pagpasoc at paglabas?

Ang ama. Ito ng̃a ang iguinauà niya nang isang hagdang lubid. Dapat nating acalain na ang pinacaburól nang caniyang tinatahanan ay ang taas may dalauang lampas tauo, at sa ibabao ay may isang punong cahoy. Dito itinali ang caniyang hagdan; at pinalauit hangan sa loob nang ang pagpanhic at pagpanaog; at nang maquitang lumabas na magaling, ay caniyang linuang̃an ang lubac nang buról, nang maguing pinacasilid niya. Caniyang pinagcurò na ang mang̃a camay niya lamang ay hindi maaari sa gauang ito; datapoua,t, ¿ano ang caniyang gagauin? Naguing cailang̃an na pagpilitan niyang humanap nang isang casangcapan; dahil dito,y, siya,y, naparoon sa isang lugar na caniyang quinaquitaan nang maraming mang̃a batong verde, na yao,y, totoong matitigas. Pumili siya, at nacatagpò siya nang isa na totoo niyang iquinatouà, sa pagca catulad nang palacol na may talim, at ang lalò pa,y, sa pagca,t, may butas na pagsosootan nang tangcay. Namasdan niyang mangyayaring gamitin niyang parang palacol, cung caniyang mapalaqui nang caunti ang butas; at dahil dito,y, cumuha siya nang isang batong munti at mahabà na siyang isinusulot niya at ipinagpapalaqui nang butas; sacá sinulutan niya nang capisang na cahoy na matibay na naguing tangcay; at caniyang tinalian na pinacahigpit niyong baguing na sinabi na natin.

Pagcatapus ay caniyang tinicmang pinalacol ang isang munting cahoy, at sa pagca,t, naquita niyang nabual ay natouà siyang di hamac. Sa sanglibo mang piso,y, hindi niya maibibigay ang caniyang palacol dahil sa malaquing capaquinabang̃ang caniyang inaasahan.

Nacacuha siya sa mang̃a bató nang dalaua pa, na maacalà niyang paquiquinabang̃an at magagamit sa anomang gagauin. Ang isa ay natutulad sa mang̃a pamucol, at ang isa,y, maicli ng̃unit,t, malaqui at matulis sa dacong dulo na parang tanat. Capouà dinala ni Robinson sa caniyang tahanan, na ang nasà niya,y, ipatuloy ang caniyang guinagauà.

Nauastong totoo siya nang paggauà, na ang batóng tagadulo ay ibinabaon niya sa lupà at pinupucpoc niya nang pamucol ay naaalis at nahuhucay niya ang mang̃a bató na nababaon doon; at sa ilang arao lamang ay caniyang nalinis at napaluang yaong lubac na inaacalà niyang gau-ing silid. Sacá siya humacot nang maraming damó at ibinilad niya sa arao. Nang maquita niyang natuyò na ay ipinasoc sa caniyang lungâ at guinauà niyang parang banig; at dito sa caniyang naisipang ito ay nacatulog siya nang pahiga na parang tauo, at di para nang mang̃a naunang gabi na siya,y, natutulog sa mang̃a sang̃a nang cahoy na parang ibon. ¡Laquing caguinhauahan, ang mangyaring maihilig ang pagod na catauan sa isang hihigang damó! ¡O cung matalastas, aniya, nang aquing mang̃a cababayan cung anong hirap ang umupong magdamag sa sang̃a nang cahoy gabigabi! ¡Gaanong pagpapahalaga ang gagau-in sa canilang capalaran na nacacatulog nang matahimic sa malalambot na hihigan at ualang pang̃anib na mahulog! Hindi pararaanin marahil ang isang arao na di nagpapasalamat sa Pang̃inoong Dios dahil dito at sa mang̃a iba pang caguinhauahan nila.

Sa sumusunod na arao, sa pagca,t, lingong pang̃ilin, ay guinugol niya sa pananalang̃in, na habang oras siyang nacaluhod, at nacataas sa lang̃it ang caniyang luhaluhaang mata, at hinihing̃i niya sa Dios na siya,y, patauarin sa caniyang mang̃a camalian, at pagpalain at aliuin ang caniyang cahabaghabag na mang̃a magulang. Inuulitulit niya sa Maycapal na macapangyarihan ang catunayan nang caniyang pagquilala sa mang̃a cahang̃ahang̃ang tulong na ipinagcaloob sa caniya sa gayong calunoslunos na caguipitan, para nang pagcaualay niya sa lahat nang tauo; at ipinang̃ang̃aco niyang muli,t, muli ang pamimintuhong parang masunuring anac.

Si Luisa. ¡Aba, at bungmubuti na si Robinson!

Ang ama. Natatalastas nang Dios na iya,y, magbabago nang asal, cung macaranas siya nang mang̃a cahirapan; at caya ng̃a pinaticman sa caniya. Tingnan mo ng̃a ang inaasal sa atin nang Amang na sa lang̃it; hindi dahil sa cagalitan cundi dahil sa malaquing caauaan, caya pinadadalhan tayo manaca naca nang mang̃a cahirapan, na sa caniyang maauaing camay ay mabibisang lunas, at natatalastas niyang quinacailang̃an sa icagagaling nang mang̃a saquit nang ating mang̃a caloloua. Natatacot si Robinson na macalimutan ang pagcasunodsunod nang mang̃a arao sa sanglingo, ay inisip na gumaua nang isang calendario.

Si Juan. ¿Ano po? ¿isang calendario?

Ang ama. Oo, isang calendario, na bagama,t, hindi maipalimbag, at hindi naman totoong mabuti para nang atin dito sa Europa; datapoua,t, sucat icabilang nang mang̃a arao.

Si Juan. ¿At paano ang guinauà?

Ang ama. Yamang ualang papel at iba pang cailang̃an sa pagsulat, at pumili nang apat na punong cahoy na malilinis ang balat at hindi nagcacalayolayo. Ang pinaca malaqui sa mang̃a cahoy na ito ay guinuguhitan touing hapon nang isang batóng matulis, tandang nacaraan na ang arao. Pagdating nang icapitong guhit, ay natatalastas na niyang natapus na ang isang lingo; at ang guinauà niya,y, guinuguhitan naman nang isang guhit ang sumunod na cahoy, na ang cahuluga,y, isang lingo. Itong icalauang cahoy ay capag naguhitan na ang macaapat, ay guinuguhitan nang isa ang icatlong cahoy, na ang cahuluga,y, isang bouan; at sa catapusa,y, capag naguhitan na nang labing dalaua ang cahoy, na ito ay lumilipat sa icapat na cahoy na guinuguhitan nang isa, na ang cahuluga,y, isang taon.

Si Enrique. Datapoua,t, hindi ang lahat nang buan ay nagcacapara nang dalang arao: may bouang tatatlong puo, at may bóuang tatlong puo at isa. ¿Paanong matatalastas ni Robinson at dalang arao nang baua,t, isang bouan?

Ang ama. Binibilang sa mang̃a daliri.

Si Juan. ¿Pagbilang sa mang̃a daliri?

Ang ama. Gayon ng̃a; at ituturo co sa inyo, cung ibig ninyong matutuhan.

Ang Lahat. Oo ng̃a pò.

Ang ama. Cung gayo,y, paquimatiagan ninyo aco. Iticom ninyo ang caliuang camay, at hipuin ninyo nang isang daliri ang mang̃a butó at ang pag-itan lubac; at casabay ninyong sasabihin sa paghipo ang mang̃a ng̃alan nang mang̃a bouan na sunodsunod. Ang bouang tumatama sa butó, ay may tatlong puo,t, isang arao; at ang tumatama sa lubac ay tatlong puo; liban na lamang ang Febrero, na cailan ma,y, di dumarating sa tatlong puong arao, sa pagca,t, mayroon lamang dalauang puo at ualo, at minsan sa touing icapat na taon ay dalauang puo,t, siyam na arao.

Pinasimulan na ng̃a niya ang pagbilang sa butó nang daliring hintuturò, na siyang lalong nalalapit sa hinlalaqui, at hinipò nang isang daliri sa canan, casabay ang pagsasabi nang unang bouan nang taon, ang Enero baga. Cung sa bagay ¿ilang arao ang dala nang Enero?

Si Juan. Tatlong puo at isa.

Ang ama. Ipatutuloy co ang pagbilang sa butó at sa lubac; at icao, Juan, ay sasagot sa aquin cung ilan ang dalang arao nang baua,t, bouan. Ipatuloy natin. Febrero...

Si Juan. Ang Febrero,y, dapat magcaroon nang tatlong puong arao; datapoua,t, uala cundi cung minsa,y, dalauang puo,t, ualo lamang, at cung minsa,y, dalauang puo,t, siyam.

Ang ama. ¿Ang Marzo ilan ang dalang arao?

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. Ang Abril...

Si Juan. Tatlong puo...

Ang ama. Ang Mayo...

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. Ang Junio...

Si Juan. Tatlong puo.

Ang ama. Ang Julio...

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. Ang Agosto... (Pasisimulang muli ang pagbilang sa butó nang hintuturò)

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. Ang Setiembre...

Si Juan. Tatlong puo.

Ang ama. Ang Octubre...

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. Ang Noviembre...

Si Juan. Tatlong puo.

Ang ama. Ang Diciembre...

Si Juan. Tatlong puo,t, isa.

Ang ama. ¿Naquita mo na, Enrique, na ualang pagcacamali ang ating calendario? Nararapat matutuhan ang mang̃a bagay na ito, na manacânaca,y, totoong cailang̃an.

Si Juan. Hindi co na calilimutan.

Si Enrique. Aco man; at totoong natalastas cong lahat.

Ang ama. Sa paraang ito,y, napaging̃atan ni Robinson ang pagcacasunodsunod nang arao, bouan at taon, at nang matalastas niya ang arao nang lingo, at nang caniyang maipang̃ilin, para nang ibang mang̃a cristiano.

Sa panahong yao,y, halos naubos na niya ang mang̃a bung̃a nang niyog nang nacaisa isang puno na caniyang naquita, at totoong dumadalang na ang mang̃a talabá sa tabing dagat na di macabusog sa canya sa touing pagcain, dito na siya sinidlan nang catacutan na baca maualan siya nang pagcain.

Magpahangan niyon ay hindi siya macapang̃ahas na lumayong lubha sa caniyang tahanan sa pagcatacot sa mababang̃is na hayop, at mang̃a tauong bundoc, na baca sacali,y, mayroon sa iláng na yaon; datapoua,t, sa pagcacailang̃an nang pagcain, ay lumacad siya nang may calayuan, nang macaquita ng̃a nang ibang bagay na sucat macain. Pinasiya na ng̃a sa loob na maglibot sa icalauang arao sa pamag-itan nang tulong nang Dios; at guinugol ang isang bahagui nang gabi sa paggaua nang payong.

Si Nicolás. ¿At sinong nagbigay sa caniya nang cayo at ballena sa paggauà nang payong?

Ang ama. Ualang cayo, ualang ballena, ualang labasa, ualang gunting, ualang carayom at ualang sinulid na guinamit siya; at gayon ma,y, nayari niya ang payong. Gumaua siya nang isang parang balantoc na baguing nang cahoy at caniyang pinaghalahalambatan na parang bilauo; at sa guitna,y, pinasacan niya nang capisang na cahoy na pinagtibay niya nang tali. Saca cumuha siya nang mang̃a talucab nang niyog at siya niyang itinaquip na pinagtalitali sa ibabao nang baguing, at ito ang guinamit niyang payong.

Touing macayayari siya nang anomang bagay, ay nacararamdam siya nang di malirip na caligayahan at caraniuang nasasalita niya sa sarili; ¡totoong pagcahang̃alhang̃al co sa aquing cabataan, na sinasayang co ang panahon sa ualang cabuluhang bagay! ¡Ó cung aco ng̃a,y, na sa sa Europa, at magcaroon aco sa camay nang mang̃a casangcapan na doo,y, murang mura! ¡Gaanong mang̃a bagay ang aquing magagaua! ¡Laquing pagcauili co sa paggaua nang sarili cong camay nang mang̃a casangcapang quinacailang̃an co!

Sa pagca,t, may caagahan pa ay naisipan niyang gumaua nang isang supot na caniyang mapaglalag-yan nang caniyang masusumpung̃ang pagcain, at nang hindi siya mahirapan sa pagdadala. Pinagcurong sandali ang paggauà nito, at sa catapusa,y, naisip niya ang mabuting paraan. Sa mang̃a baguing na caniyang binugbog, at naguing parang abacá na sinabi co nang caniyang tinipon, ay guinauà niyang parang lambat, at ito,y, siyang guinauang supot.

Si Teodora. Ibig co namang gumauà nang isang supot.

Si Nicolás. Aco naman, cung tayo,y, magcaroon nang abacá.

Si Luisa. Mabuti ang inaacalà ninyo, mang̃a batà. Sa pagca,t, cung cayo,y, mapadpad sa alin mang pulò na para ni Robinson na ualang casamang sinoman, ay maaalaman na ninyo ang dapat gauin. ¿Dili pô baga totoo?

Ang ama. Aco,y, natotouà na magpacasipag cayo nang ganiyan. Datapoua,t, pabayaan nating macatulog si Robinson hangang bucas, at samantala,y, titingnan co cung aco,y, matutumpac na gumauà nang isang payong na casinggaling nang caniya.

← Back to Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Scroll to Top