Better Gutenberg
Free, beautifully formatted public-domain ebooks

Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

by Joachim Heinrich Campe

16 of 19 · Contents · Download EPUB

Icasampuong Hapon

Ipinatuloy nang ama ang historia.

Nagpasalamat sa Dios si Robinson dahil sa inaligtas siya sa bagong capang̃aniban, at maligaya nang ipinatuloy ang pagaalis niya nang mang̃a gumuhong bató sa caniyang tahanan. Hindi niya pinaghirapang totoo ang pagaalis nang lupa at batong maliliit; datapoua,t, sa cailaliman ay natitira ang isang malaquing bató; na baga ma,t, mabigat ay quinacailang̃an tila ang calacasan nang maraming tauo, nang maquilos sa quinalalag-yan.

Tinicman niyang itinulac ang pinacamaliit; datapoua,t ualang quinasapitan, sa pagca,t, quinacailang̃an ang lalong malaquing lacas; at nang matantô niyang ualang casasapitan ang caniyang pagod ay di maalaman cung ano ang caniyang gagau-in.

Si Juan. Cung aco,y, si Robinson ay naalaman co cung paano ang aquing gagau-in.

Ang ama. Tingnan natin cung paano ang iniisip mo.

Si Juan. Guinamit co sana ang isang palanca; para nang guinagaua natin niyong arao, niyong pinagugulong natin ang isang cahoy na mahaba.

Si Teodora. Yao,y, hindi co naquita. ¿At ano caya ang palanca?

Si Juan. Isang cahoy na mahaba at macapal, at ipinapasoc ang isang dulo sa tabi nang cahoy ó batong bubuhatin, at ilinalagay sa ilalim ang capirasong cahoy ó bató; at saca pinaglalambitinan na tiniticuas ang cabilang dulo nang cahoy nang paggugulong.

Ang ama. Sa ibang arao ay ipahahayag co sa inyo ang cadahilanan nito. Paquingan ninyo ng̃ayon ang guinaua ni Robinson.

Nang matapus na siya,y, macapagcurocurò na mahabang oras sa catapusa,y, humung̃o sa caniyang isip ang palanca; nang maalaala niyang sa caniyang cabataan ay naquiquita niya, na guinagaua nang mang̃a tauo ang gayong paraan sa pagbuhat nang anomang bagay na mabibigat, ay pinasiya sa loob na caniyang ticman.

Totoong lumabas na magaling ang caniyang acala, na sa loob nang calahating oras ay nailabas na niya sa caniyang yung̃ib ang dalauang bato, na bahaguia na lamang maquiquilos nang dalauang catauo cung sa camay lamang pararaanin; at malaqui ang caniyang catouaan nang maquitang ang caniyang tahanan ay lumaquing di hamac na mahiguit na dalaua sa dati, bucod dito,y, lalong tumibay sa caniyang acala; sa pagca,t, ang naguiguing pinacapader at bubong, ay ang malaquing batóng ualang laman ang loob, na sa magcabicabila ay ualang mahahalatang butas.

Si Nicolás. Datapoua,t, ¿ano pong nasapit nang caniyang gagamba?

Ang ama. Natotoua aco,t, ipinaalaala mo sa aquin. ¡Caauaauang gagamba! at nalilimutan co na. Ang masasabi co lamang sa iyo, ay ualang pagsalang namatay siya sa pagguhô nang bató. Ang tunay ay hindi na naquitang mulî ni Robinson, at iquinatoua na niya ang pagcauala nito dahil siya,y, may casama nang mang̃a hayop na llama.

Nang̃ahas siyang lumapit sa volcan, na linalabasan nang maitim na asó; datapoua,t, ¡gaano ang caniyang panguiguilalas nang maquita ang caramihan nang mang̃a bagay na nang̃atutunao at umaagos sa linibid-libid nang volcan, at hindi pa lumalamig! hindi siya macalapit na totoo, at pinanonood niya sa isang lugar na may calayuan ang caquilaquilabot na pagusoc, sa pagca,t, pinipiguil siya nang caniyang catacutan at nang cainitan na houag siyang lumapit doon.

Nang matalastas niyang ang mang̃a bagay na iniaanod nang volcan ay napatutung̃o sa lupang tinutubuan nang mang̃a patatas, quinilabutan siya sa pagiisip na baca yaong umaagos na apuy ay nacasira sa halamang yaon; at hindi siya natahimic hang̃an sa di siya nacarating doon. Pinaronan ng̃a niya ang lupang quinatatamnan nang mang̃a patatas, at di mamagcano ang caniyang catouaan nang caniyang maquitang hindi naaano; datapoua,t, sa anomang mangyari, ay inaacalà niyang magtanim nang mang̃a patatas pa sa iba,t, ibang lugar nang pulò at nang cung anoman ang mangyari ay houag siyang maualan niyong totoong mahalagang bung̃a; at baga ma,t, ayon sa inaacala niya, ay totoong malapit na ang invierno, ó taglamig, ay ang uica niya sa sarili: ¿sino ang nacatatalastas cung ang mang̃a halamang ito,y, hindi naaano sa taglamig?5

Nang matapus na siyang macapagtanim, ay hinarap niya ang paggauà nang caniyang cusina; at dito naman sa caquilaquilabot na bagay na caniyang naranasan ay naguing dahil nang isang malaqui niyang capaquinabang̃an. Sa pagca,t bucod sa mang̃a ibang bagay na ibinubuga nang volcan ay may nacacasamang mang̃a bató nang apog. Caraniua,y ang guinagauà sa mang̃a batóng ito ay sinusunog muna sa isang horno; datapoua,t, dito,y, di niya quinacailang̃an, sa pagca,t, naguiguing pinacahorno na ang volcang nagnining̃as. Si Robinson ay uala nang sucat gau-ing ibang bagay cundi ang humucay sa lupa nang isang balón, at ilagay doon ang mang̃a bató nang apog, pagcatapus ay busan nang tubig sa ibabao, at saca haluin. Capag nagauá na ito ay sucat nang magamit sa paglilichada; at hinaluan nang caunting buhang̃in ni Robinson, at dahil dito,y, naipatuloy ang caniyang gauà nang malaquing caligayahan niya.

Samantalang siya,y, gumagauà ay tumiguil nang pagusoc ang volcan, dahil dito,y, nang̃ahas nang lumapit si Robinson sa bibig niyong volcan, doon niya natalastas na hangang ilalim ay malamig na, at sa pagca,t, ualà nang lumalabas camunti mang usoc, ay inacalà niyang napugnao na ang apuy sa ilalim nang lupà, at ualà na siyang sucat catacutan.

Nanghinayang ang caniyang loob sa bagay na ito, at inisip niya ang paghahandâ nang babaunin sa invierno ó taglamig; dahil ditò,y, humuli siya nang ualong hayop na llama sa paraang guinauà niya nang una. Ang lahat ay caniyang pinatay, liban na lamang sa isang lalaqui na isinama niya sa tatlong maaamò na; at ibinitin sa caniyang cusina ang caramihan nang laman nang mang̃a hayop na ito, at nang caniyang mapaasuhan, datapoua,t, ibinabad muna niya sa asing mang̃a ilang arao, sa pagca,t, naalaala niyang ganito ang guinaguà nang caniyang ina sa canilang bahay.

Bagama,t, labis na ang inihandâ niyang cacanin sa taglamig, ay natatacot si Robinson na bacá hindi magcasiya sa caniya, cung sacali,t, ang taglamig ay totoong mahigpit at matagal; sucat sanang macahuli nang marami pang mang̃a hayop na llama; datapoua,t, humihirap nang humihirap nang paghuli, sa pagca,t, ang mang̃a hayop na yaon ay natatacot na sa silò.

Quinacailang̃ang magisip nang ibang paraan sa paghuli sa canila, at natalastas ni Robinson ang paraang ito. ¡Totoo ng̃a na ang pagiisip nang tauo ay cung gagamiting magaling, para nang nararapat, ay totoong madaling gumanà nang paraan sa icatataquip nang caniyang mang̃a cailang̃an, at icararagdag nang caniyang caguinhauahan! Natatalastas niya na ang mang̃a hayop na llama sa touing masusumpung̃an niya na iinom sa batisan, ay nagtatacbuhan sa isang cagubatan sa dacong licod nang pinacamataas na lupa. Sa taguiliran nito ay may lupang natatamnan nang damo at diyan pumapanhic sa pinacaburol na ang taas ay may calahating vara. Naramdaman ni Robinson, na sa pagtacbo nang mang̃a llama, ay caraniuang nagdaraan doon; at dahil dito,y, bumungô sa caniyang pagiisip ang dapat gau-in. Sa macatouid ay humucay siya nang isang malalim na balon sa lugar na yaon, at nang cung magdaan doon ang mang̃a hayop na llama ay mang̃ahulog at maculong sa balon. Hangang tanghaling hinucay nang ualang capaguran ni Robinson ang balon; tinacpan nang ilang damo ang ibabao, at sa icalauang arao ay naquita niyang nahulog doon ang dalaua niong mang̃a hayop na totoong malalaqui.

Inacalà niyang sucat na sa caniya ang caniyang inihandang pagcain; datapoua,t, uala sana siyang pagtataguan nitong caniyang baon sa panahon nang taglamig, cundi siya pinagcalooban nang lang̃it nang isang pinacasilong dahil sa paglindol; sa pagca,t, dapat nating matalastas, na sa malapit sa caniyang yung̃ib ay may gumuhong bató, na naguing parang isang yung̃ib na ang lalim ay may tatlong vara, na ang pinapasucan ay ang pinacapatio nang caniyang tahanan. Dahil dito,y, nagcaroon siya nang isang munting silid, cusina at pinacasilong, na totoong mabuti ang pagcacalagay, na parang sinadiya.

Tatlo pang bagay ang hindi niya natatapus naihahandà sa panahon nang invierno ó taglamig, na inaantay niya; ang magtipon nang maraming damo na cacanin nang caniyang mang̃a hayop; ang pagtitipon nang cahoy, at ang paghucay nang lahat nang patatas na itatago niya sa caniyang silong.

Ang mang̃a damó na caniyang tinipon, ay ibinunton sa harapan nang caniyang bahay, para nang naquiquita niyang guinagauà nang mang̃a magsasaca dito; at sa baua,t, paglalagay niya ay pinapaicpic nang caniyang paa at nang masinsing magaling na hindi tagusin nang ulan. Datapoua,t, natalastas niya, na siya,y, nagcamali dito; sa pagca,t, hindi niya pinatuyong mabuti muna ang damó. Sa pagca,t, cung hindi ganito ang caniyang gauin, ay sa totoong casinsinan ay magiinit at maguusoc. Hindi nariring̃ig ni Robinson ang bagay na ito niong caniyang cabataan, sa pagca,t, ualang quinacaling̃ang anoman, ay hindi niya natutohan ang mang̃a quinacailang̃an sa isang bahay nang magsasacá. Dito niya napaguari ang malaquing capaquinabang̃an nang matuto nang anomang bagay, cahit hindi niya natatalastas ang sucat paggamitan balang arao.

Labis ang pagtataca ni Robinson nang maquitang umuusoc ang isang bunton nang damó: at lalò pang nanguilalas siya nang ipasoc ang caniyang camay, at maramdamang nagiinit sa loob. Inacala niyang mayroong apuy, bagama,t, hindi niya maalaman cung paano ang pagdidiquit nang sariuang damó, at cung cailan nalaglagan nang apuy.

Mínulan nang pagaalis na isaisa nang damó; at totoong malaqui ang caniyang panguiguilalas nang maquitang ualang apuy, at ang lahat nang damó ay nagiinit at basabasà pa. Sa catapusa,y, napaguari niya na ang casariuaan nang damó ang siyang naguiguing dahil nang pagiinit, bagama,t, hindi niya matalastas cung paano ang pangyayari nito.

Si Juan. Aco ma,y, di co mapaguari ito.

Ang ama. Sa mang̃a nangyayaring ito, Juan, na catacataca ay totoong marami sa mundo; at ang pagiisip nang tauo, pagcatapus nang mahabang panahon na pag-uauariuari at pagcucurò ay natalastas na maliuanag ang tunay na cadahilanan nang mang̃a nangyayaring ito; datapoua,t, di naman natalastas na lahat. Ang pagcatalastas nang mang̃a bagay na ito ay maquiquita sa isang carunung̃an na hindi mo naaalaman man lamang cung ano ang pang̃alan. Tinatauag na Fisica. Diyan ipinaquiquilala ang nangyayari sa calamigan, para naman nang sa mang̃a ibang bagay na tinatauag na natural, na sucat pagtachan. Cung pananatilihin ninyo ang pagsisicap sa pagaaral, ay ng̃ayong mang̃a ilang panahon ay ituturò co sa inyo ang naturang carunung̃an, na totoong pagcacalibang̃an ninyo. Ng̃ayo,y, ualang capacanan ang pagpapaaninao co sa inyo nang bagay na ito, sa pagca,t, di pa ninyo maabot nang pagiisip.

Pagbalican natin si Robinson, at talastasin ninyo na niong mapatuyò na niya ang damô, ay muling ibinunton nang masinsin nang houag maano sa hang̃in at ulan, sa pagca,t, caniyang linag-yan nang pinacabubong na cauayan, para nang guinagauà nang mang̃a pastor sa canilang mang̃a cubo na naquita ninyo na nababalot nang dayami. Guinugol niya ang mang̃a sumunod na arao sa pagtitipon nang cahoy na tuyô na inaacala niyang cailang̃an; at saca hinucay niya ang caniyang silong. Sa catapusa,y, pinulot niya ang lahat nang mang̃a dayap na hinog, na nang̃alalaglag sa pagugà niya sa punò, at itinagò niya,t, nang magamit sa panahon nang taglamig; dito,y, napayapà na caniyang loob, sa pagca,t, inacalà niyang sapát na ang caniyang inihanda sa totoong taglamig.

Datapoua,t, magtatapus na ang bouan nang Octubre, ay hindi pa nararamdaman ang calamigan na totoo niyang quinatatacutan; datapoua,t, totoong naguulan na tila gumuguhô ang lang̃it. Totoong nalilingatong dahil dito si Robinson, at totoo niyang ipinagpipighati ang pagcaculong sa caniyang tahanan na mahabang panahon na parang isang nabibilango; sa pagca,t, mahiguit sa labing limang arao na di siya lumalabas sa caniyang yung̃ib, cundi sa pagparoon lamang sa caniyang silong, sa bunton nang damo at sa batis, sa pagcuha nang tubig at cacanin na quinacailang̃an niya at nang caniyang mang̃a hayop.

¡Labis nang tagal at calumbaylumbay ang paquiramdam niya sa mang̃a oras na nagdaraan, dahil sa caniyang pagiisa at, dahil sa ualá siyang magauang pagcalibang̃an! Di sucat maisip, mang̃a anac co, cung gaano ang caniyang cahirapan. Cung mayroong magbibigay sa caniya nang isang libro, ó isang pliegong papel, pluma at tintero, ay maligayang ipagpipilit niya sa baua,t, pliego ang isang arao nang caniyang buhay. ¡Sa aba co! ang uiniuica niyang inuulitulit; ¡pagcaualang isip co noong aco,y, bata, na inaari cong ang pagbasa at pagsulat ay isang caabalahang nacayayamot, at ang pagcaulang gauà ay isang bagay na nacaalio! Ang lalong nacababagot na libro ay aariin co ng̃ayong isang cayamanan: sa isang pliegong papel at sa isang tintero na macuha co ay hindi co ipapalit sa paguiguing hari.

Sa boong panahong ualà siyang guinagauà at siya,y, nayayamot ay napipilitan siyang maglibang sa mang̃a gauang hindi pa niya nararanasan. Matagal nang panahong caniyang iniisip ang paraan nang paggauà nang isang palayoc at isang ilauan, na totoong paquiquinabang̃an niya, at icaaauas nang caniyang caralitaan. Baga ma,t, totoong naguuulan, ay lumabas siyang nagtatacbo sa paghanap nang lupà, at pinasimulan niya ang paggauà nang palayoc.

Dapat nating matalastas na hindi muna lumabas na magaling, at sa una niyang paggauà ay nasisirà; datapoua,t, sa pagca,t, ualà siyang magauang bagay na lalong mahalaga, ay guinauà niyang libang̃an ang paggauà nang palayoc: at capag inacalà niyang yari na, ng̃unit may naquiquita siyang casiraan, ay binabago niya, at guinagauang muli. Guinugol niya ang ilang arao sa paglilibang sa gauang ito, hangan sa mayari ang palayoc at ilauan ó tinghoy na totoong mabuti ang pagcacagauà, Inilagay niya sa caniyang cusina na malapit sa apuy, at nang tumigas at matuyò, at saca ipinatuloy ang paggauà nang ibang mang̃a palayoc at caualì na iba,t, iba ang lalaqui at pagcayari, na dahil dito,y, nabibihasa siya nang paggauà.

Hindi tumitila ang paguulan, at napilitan si Robinson na magisip nang cung ano ang caniyang gagau-in sa panahong yaon, at nang siya,y, maligtas sa cayamutan nang ualang guinagauà. Ang una niyang pinagcalibang̃an ay ang paggauà nang lambat. May marami siyang natitipong mang̃a pisi, ó mang̃a baguing na maliliit na parang abacá; at palibhasa,y, may labis, siyang panahon at calamigan nang ulo sa pagaaral nang paggauà nang lambat na macaualo ó macasampuong sinisira niya, sa pagca,t, hindi cadaling lumabas na magaling, ay sa catapusa,y, natumpacan niya ang tunay na paraan nang paggauà, at sa casipagan niya ay totoong nabihasa siya, para nang mang̃a babayi ó mang̃a batang gumagauà dito nang lambat. Tunay ng̃a,t, naisipan niya ang paggauà nang isang casangcapang cahoy, na pinutol nang caniyang sundang na bató, at guinauà niyang parang ihauan; at sa paraang ito ay nacagauà siya nang isang lambat, na sucat paquinabang̃an, para nang mang̃a guinagauà nating lambat dito.

Capagdaca nama,y, bumungô sa caniyang pagiisip ang paggauà nang isang panà at ilang mang̃a palasô. ¡Oh! ¡Totoong malaqui ang caniyang caligayahan sa pagcaisip nang bagay na ito, at sa pagcadilidili sa malaquing capaquinabang̃ang cacamtan niya sa caniyang panà! Sa pagca,t, mapapanà niya ang mang̃a hayop na llama, ó mang̃a ibon, at ang lalo pang sucat niyang paquinabang̃an, ay maliligtas siya sa catampalasanan nang mang̃a tauong bundoc na bacá sacali balang arao ay tampalasanin siya. Sa malaqui niyang cainipan, na ang ibig niya,y, maquitang mayari na ang caniyang pana, ay nagmadaling lumabas, na hindi inalumana ang ulan at hang̃in sa paghanap nang cahoy na quinacailang̃an.

Di sucat nating paniualaan na ang alin mang cahoy ay nagagauang panà: napagtalastas niya na quinacailang̃ang humanap siya nang matigas na cahoy, ng̃uni,t, mababaluctot, upang cung mahubog na, at umigcas naman nang malacas.

Nang macaquita na siya nang isang cahoy na matigas at mahuhubog, ay dinala niya sa caniyang tahanan, at caracaraca,y, pinasimulan na niya ang caniyang paggauà; datapoua,t, ¡laquing paghihirap niya sa caualan nang isang sundang na bacal! macadalauang puong tagâ bago niya malinis ang cahoy, na dito,y, sa isang tagà lamang ay sucat na sa itac na may patalim: at caya ng̃a, bagama,t, maghapong ualang tiguil siya nang paggauà nito na di niya binibitinan, ay naguing cailing̃an ang ualong arao bago natapus. Ang ibang mang̃a batang naquiquilala co ay hindi nagcacaroon nang ganitong cayamutan nang ulo.

Si Teodora. (Na quinacausap ang caniyang, mang̃a casama.) Ang bagay na ito,y, sinasabi nang ating ama sa atin.

Ang ama. Natumpacan mo, Teodora. ¿At ano ang inyong acalà? ¿di baga totoo ang uica co?

Si Teodora. Oo pô; datapoua,t, magmula ng̃ayon, ay capag pinasimulan co ang anomang gauà ay ipatutuloy co nang ipatutuloy hangan sa matapus.

Ang ama. Ganito ng̃a ang magaling, sa pagca,t, sa paraang ito,y, napaiguing totoo si Robinson, caya ng̃a nagcaroon siya nang di mamagcanong caligayahan nang maquita niyang sa icasiam na arao nayari na ang caniyang panà, na ualà nang culang cundi ang busog at mang̃a palasò. Cung caniyang naisipan ang paggauà nang panà niong macapatay siya nang hayop na llama, marahil ay titicman niyang gauing busog; sa pagca,t, natatalastas niyang magaling na sa Europa ay ang caraniuang guinagauang busog ay ang bituca nang tupa; datapoua,t, sa caualan nang bituca, ay pinili niya ang lubid na lalong matibay, at saca isinunod niya ang paggauà nang palasò. ¡Gaano caya ang pagpapasalamat niya sa magbibigay sa caniya nang capirasong bacal na sucat mailagay sa dulo! Datapoua,t, nang pinagiisipisip niya na ualang masasapit ang caniyang nasà, ay siya,y, na sa sa pintô nang caniyang yung̃ib at caniyang ilalagay sa dulo nang palasò, cahit hindi man bacal, nagcataong nailing̃on niya ang caniyang mata sa capirasong guintô, na parang ualang cabuluhang bagay ay nacalagay lamang sa lupà. Sinicaran niya ang capirasong guintò, at ang uicà niya, ay maguing bacal ca, cung ibig mong quita,y, pahalagahan. Capagcauicà nito ay hindi man lamang tiningnang mulî.

Sa caniyang caiisip, ay naalaalang naring̃ig niyang minsan, na ang guinagamit nang mang̃a tauong bundoc na pinacadulo nang sibat at palasò ay ang mang̃a tinic nang isdang malalaqui, at ang mang̃a bató namang matutulis, at pinasaya niya sa loob na matularan sila, at saca gumauà naman siya nang isang pinacasibat.

Capagcaisip nito ay napa sa tabi nang dagat, doo,y, nagcapalad naman siya na nacaquita nang mang̃a tinic nang isdang caniyang hinahanap; namulot naman siya nang mang̃a batong inaacalà niyang mababagay sa gagau-in niyang sibat; pagcatapus ay pumutol siya nang isang matouid at mahabang cahoy na gagau-ing tangcay, saca umoui sa caniyang tahanan na basang basà ang catauan.

Mang̃a ilang arao ay nayari niya ang mang̃a palasò at sibat; ang dulo nang sibat ay batong totoong matulis, at ang dulo nang mang̃a palasò ay ang mang̃a tinic nang isdà, at sa punò ay tinalian niya nang mang̃a pacpac nang ibon, sa pagca,t, sa ganitong paraan ay tumatacbong magaling.

Tinicman niya ang caniyang panà, at inacalà niyang bagama,t, nagcuculang nang ilang bagay na quinacailang̃an, na cung ualang casangcapan ay hindi sucat mayari, gayon ma,y, inacala niyang sucat nang maipanà niya sa ibon at sa iba pang mang̃a hayop, at sinapantaha pa niyang masusugatan niya nang panà niyang yaon ang isang tauong bundoc na hubad, cung lumapit sa caniyang magaling. Datapoua,t, ang totoong iquinaliligaya niya ay ang caniyang sibat.

At saca linapitan naman ang caniyang tinghay at mang̃a palayoc at caualing lupa, na sa pagca,t, naquita niyang tuyò na, ay caniyang gagamitin; dahil dito,y, linag-yan niya ang isang cauali nang capirasong tabà na quinuha niya sa mang̃a hayop na llama, na ang isip niya,y, cung matunao ay magagamit niyang pinacalang̃is. Datapoua,t, totoong sumamâ ang caniyang loob nang maquita niyang matunao ang tabâ ay tumatagas sa caniyang cauali, na caonting caonti lamang ang natira. Dito,y, napaghulohulo niya na gayon din ang mangyayari sa caniyang tinghoy at ibang mang̃a cauali at palayoc.

Totoong malaqui ang caniyang capighatian, at baquit inaasamasam na niya na siya,y, macacacain nang sopas, at macacaroon siya nang ilao sa gabi; datapoua,t, naquita na ninyo na madaling napaui ang caniyang pagasa.

Si Enrique. Totoo ng̃a pô na malaquing capighatian ang cacamtan sa pagcaquitang naualang cabuluhan ang caniyang pinagpaguran na mahabang arao.

Ang ama. Ualà ng̃ang pagsala, at mayroong mang̃a tauo na mayayamot na at babasaguin na ang lahat. Datapoua,t, si Robinson ay mayroon nang caunting catiisan, at tinica niyang matibay na cailan ma,y, di gagauà nang anomang bagay na pasapiao lamang, cailan ma,t, mangyaring magaua niyang magaling.

Umupo siya sa isang suloc na caniyang pinagiisipan, (gayon ang tauag niya sa isang suloc nang caniyang yung̃ib, na caraniuang pinapasucan niya capag may pinagcucurong anomang bagay na mahalaga) at pinasimulan niya ang pagcamot sa noo.

Hindi pa nagtitiguil ang laguing paguulan, at caya lamang nagliuanag ang lang̃it ay nang macaraan na ang dalauang bouan. Inacalà ni Robinson na pasisimulan na ang panahon nang totoong taglamig ó invierno, datapoua,t, nacaraan na. Naquiquita niya nang malaquing pagtataca na ang primavera, ang panahon bagang pamumulaclac at pagusbong nang mang̃a bagong halaman ay pinasisimulan na; ito,y, isang bagay na hindi niya malirip, at cahit caniyang naquita ay tila hindi pa mapaniualaan. Ang bagay na ito, aniya, ay nagtuturò sa aquin na di co dapat salahin pagdaca ang anomang bagay na di co mapaguari.

Ang ina. At capagcauicà nito ¿hindi caya natulog?

Si Teodora. Hindi pô, at cami po,y, hindi pa nagaantoc.

Ang ama. Tungcol sa bagay na iyan ay ualà acong balità; datapoua,t, sa dating historia nang pagcatahan ni Robinson sa pulóng yaon, ay ualang nangyaring anomang bagay sa arao na yaon; inaacalà co na nang matapus na niyang mapagcurocurò ang paraan nang houag tumagas ang caniyang palayoc, ay siya,y, natulog na. Ito rin naman ang gagau-in natin hangang mamaya, nang tayo,y, maguising na maaga.

Talababa

Notes

5 Sa Europa, cung panahon nang taglamig ay nalalagas ang mang̃a dahon nang mang̃a halaman na parang patay, at hindi nagsisipamung̃a sa panahong yaon.

← Back to Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Scroll to Top