Icaanim Na Hapon
Ipinatuloy nang ama ang pagasasalitá nang nangyari cay Robinson.
Ang ama. Nacatulog si Robinson hangan sa matanghali na, at siya,y, napagulat nang maguising at maquitang totoong tanghali na, nagmadaling bumang̃on, at ibig lumabas nang parang sa paghuli nang mang̃a hayop na llama. Datapoua,t, nahantong ang caniyang nasà; sa pagca,t, bahaguia na lamang casusung̃ao ang caniyang ulo sa pintô nang caniyang yung̃ib, ay caracaraca,y, iniuglot.
Si Luisa. ¿At baquit gayon?
Ang ama. Sa pagca,t, humahagunot ang ulan, at totoong malalaqui ang patac na ang sinoma,y, di nacaiisip na umalis. Pinasiya niya sa loob na hintin munang tumilà ang ulan; datapoua,t, malayong tumiguil; sa pagca,t, habang lumalaon ay lalong tila ibinubuhos. Itong malacas na ulan ay may casamang totoong madalas na quidlat, na ang yung̃ib ni Robinson, baga ma,t, totoong madilim ay tila nagaalab; at ang mang̃a quidlat na yaon ay sinusundan nang totoong malacas na culog, na hindi niya nariring̃ig cailan man. Nayayanig ang lupa sa caquilaquilabot na pagputoc nang mang̃a culog, at tila inuulit nang aling̃aong̃ao sa mundo na totoong inihahaba nang ugong. Sa pagca,t, si Robinson ay ualang turò at pinagaralan, ay totoong malaqui ang caniyang tacot.
Si Teodora. ¿Natatacot baga sa mang̃a quidlat at sa mang̃a culog?
Ang ama. Oo; at totoo siyang quiniquilabutan, na hindi niya maalaman na cung saan siya magtatagò.
Si Teodora. ¿At baquit siya totoong natatacot?
Ang ama. Ito,y, caraniuan, sa pagca,t, ang apuy na nangagaling sa culog ay pinanggagaling̃an nang pagcacasunog at manacanaca,y, nacamamatay.
Si Juan. Oo ng̃a, datapoua,t, ang mang̃a sacunang iyan ay bihirang nangyayari.
Ang ama. Mulâ nang aco,y, maguing tauo ay ualà pa acong nariring̃ig na namamatay sa culog3; at ang mang̃a sinasalitang nangyari na mang̃a sacunà ay totoong bibihirâ. At caya ng̃a bihirangbihirang matalà sa mang̃a periodico, tulad sa pagbabalità na may isang tauong, umabot na mahiguit sa sandaang taon; isang maliuanag na catotohanan na manacanacang mangyari lamang ang mang̃a sacunang ito. Tungcol dito sa mang̃a culog ay mayroon ding capang̃aniban; datapoua,t, totoong malayò na di sucat maitulad sa mang̃a capang̃aniban nang pagcahulog, sa mang̃a biglang saquit, sa mang̃a pagcacasunog at sa iba pang sucat na mangyari na masasapit natin sa baua,t, sandalî, at hindi man lamang natin iquinatatacot nang calahati nang pagcatacot ni Robinson, cung ito na lamang ang icamamatay natin nang bigla ay may malaquing cadahilanan na catacutan nating totoo; datapoua,t, ang ating buhay ay totoong marupoc, at sa loob at labas nang ating catauan ay mayroong di mabilang na bagay na iquinapaguiguing sanhi nang isang biglang camatayan, na cung catatacutan nating lahat para nang malabis na pagcatacot nang iba sa culog, ay hindi tayo macalalacad nang isang hacbang at di tayo macagagalao munti man na di magcacaroon tayo nang isang guniguning ualang casaysayan. Ang pagsacay sa cabayo, ang paglulan sa isang carruage, ang pagdaraan sa isang matuling ilog, ang paglalayag, ang pagpanhic at pagpanaog sa isang hagdan, ang pagiiuan nang ilao sa isang silid, ay mang̃a bagay na guinagauà natin nang ualang munting catacutan, gayon man ay dapat siglan tayo nang tacot dito sa mang̃a capang̃anibang totoong madalas mangyari, higuit sa tacot; na dapat taglayin sa mang̃a sacunà na nangagaling sa culog. At tunay ng̃a itong culog ay may casamang ugong na nacagugulat, at sa pagquidlat ay biglang nagliliuanag; at caya ng̃a inaacalà co na ang mang̃a di nagdidilidili, ay pinapasucan nang isang di quinucusang tacot, na hindi caraniuang taglayin sa lalong malalaquing capang̃aniban.
Si Balisio. Sinabi na ninyo sa amin na ang mang̃a masasamang panahon, ang mang̃a culog at quidlat ay may malaquing cagaling̃an sa lupà, sa pagca,t, nalilinis ang hang̃in nang mang̃a masasamang sing̃ao na sucat ipagcasaquit nang mang̃a tauo, nacagagaling naman sa paglagò nang mang̃a halaman, at nacapagbabauas sa totoong malaquing cainitan. Bucod dito,y, naquiquita natin ang isang cahang̃ahang̃ang bagay sa naturaleza, na ipinaquiquita nang Maycapal, nang tayo,y, magcaroon nang galang at pangguiguilalas sa caniya.
Si Luisa. ¡Totoong mariquit pong bagay ang sinabi ni Basilio! ¿ibig pô baga ninyong aco,y, dalhin sa buquid cung sumasamà ang panahon, nang maquita co iyang lahat na sinabi ni Basilio? At hindi aco magdadala nang tacot.
Ang Ama. Susundin co ang iyong nasà.—Si Robinson, yamang talastas na ninyo, na nagpaualang halaga sa lahat nang sucat matutuhan sa caniyang cabataan, at caya ng̃a di niya natatalastas na ang mang̃a sigua at masasamang panahon ay mang̃a biyayà nang Dios, at baga ma,t, naguiguing sanhî nang alin mang casacunaan (na naaayon sa mataas na adhicà nang caniyang carunung̃an) ay pinanggagaling̃an nang malaquing cagaling̃an, para nang sinalità ni Basilio na nacalilinis nang hang̃in, na totoong nacagagaling sa mang̃a tauo, sa mang̃a hayop at sa mang̃a halaman. Habang nacaupò si Robinson sa isang suloc nang caniyang yung̃ib, at totoong quiniquilabutan, ay totoong naglalauà ang tubig, nagnining̃as ang mang̃a quidlat, umuugong na ualang licat ang mang̃a culog; at malapit nang tanghaling tapat ay di pa naglulubag ang casamaan nang panahon.
Hindi siya nacacaramdam nang gutom dahil sa pagcatacot; datapoua,t, naghihinagpis ang caniyang loob sa mang̃a calumbaylumbay na guniguni niya. Dumating na ang oras, aniya, na ibig nang Dios na aquing pagbayaran ang mang̃a guinauà cong casalanan. Nacaamba na ang caniyang camay sa aquin; mamamatay aco,y, hindi co maquiquita ang mang̃a caauaauà cong magulang.
Si Ramon. Tungcol diya,y, di aco umaayon sa catoto nating si Robinson.
Si Nicolás. ¿Baquit?
Si Ramon. ¿Di caya pinagcalooban na siya nang Dios nang di mamagcanong biyayà, at nang caniyang maquilala, na yaong totoong mabuting Ama ay di nagpapabaya sa umaasa sa caniya sa boong pusò, at tunay na nagpipilit na magbagong asal? ¿Di caya siya iniligtas sa pagcalunod sa isang capang̃anibang sucat icalagot nang buhay? ¿Di caya siya tinutunghan, at nang houag siyang mamatay sa gutom? ¡At gayon ma,y, totoong nagpapacahinang loob! ¡Ito,y, hindi mabuting gauà!
Ang Ina. Gayon din ang acalà co, Ramon, datapoua,t, caauaan natin ang binatang ito. Di pa nalalaong siya,y, nagmumulimuli, at caya ng̃a di pa sucat masulong na totoo sa landas nang mabuting asal, na para nang ibang mulà sa cabataan ay tinuruan na.
Ang Ama. Mabuti ang sabi mo, at pinasasalamatan quita, sa pagca,t, quinaaauaan mo ang aquing Robinson. Untiunting lalong naiibigan co siya, sa pagca,t, naquiquita cong nagbabago na nang asal. Samantalang siya,y, sinasalacay nang catacutan at cabalisahan, ay tila naglulubag ang samâ nang panahon. Habang humihinà ang culog at nagbabauas ang ulan, ay sumisibol na muli sa pusò ni Robinson ang pagasa. Inacalà niyang maipatutuloy ang caniyang paglacad; at nang quinuha na ang caniyang supot at ang caniyang palacol ay bigla siyang nagulantay at napasubasob sa lupà.
Si Juan. ¿Ano pô ang nangyari sa caniya?
Ang Ama. Bigla niyang naring̃ig sa ibabao nang caniyang ulo ang isang caquilaquilabot na culog, nang̃inig ang lupà, at si Robinson ay nanigas na parang bangcay. Sa pagca,t, pumutoc ang isang culog sa cahoy na nasa ibabao nang yung̃ib, at sa pagcabali ay lumagapac nang malacas, na ang acalà ni Robinson ay siya,y, tinamaan. Malaong oras na di siya pinagsaulan nang loob; datapoua,t, nang caniyang matalastas na di siya naaano ay nagbang̃on; at ang una niyang naquita sa malapit sa pintò nang caniyang yung̃ib ay isang malaquing cahoy na ibinual nang culog. Isang bagong caralitaan ni Robinson. Sa pagca,t, ¿saan isasabit ang caniyang hagdan, cung nabual na boô ang cahoy, para nang inaacalà niya?
Nang caniyang maramdaman na tumilà na ang ulan, at ualà na siyang nariring̃ig na culog, ay nang̃ahas na lumabas. Datapoua,t, ¿ano caya ang caniyang naquita? Isang bagay na biglang iquinapagpasalamat sa Dios, iquinapuspos niya nang pagibig, at iquinahiya niya dahil sa caculang̃an nang caniyang pagasa. Sa macatouid ay ang sang̃a nang cahoy na tinamaan nang culog ay nagninig̃as, na dahil dito,y, ualà sa caniyang gunitâ ay nagcaroon siya nang lalò niyang quinacailang̃an; cung sa bagay ay nang iniisip niyang siya,y, na sa sa lalong malaquing casacunaan, ay hindi gayon, cundi lalong inaampon siya nang Dios nang isang tang̃ing biyayà.
Puspos nang di malirip na pagquilala at catouaan na iquinaiiyac niya, ay nagpasalamat siya nang boong pagibig sa mapagpalang Ama nang mang̃a tauo, na cahit nagpapahintulot na mangyari ang mang̃a caquilaquilabot na bagay, ay dili ang hindi gumagauà siya nang puspos na carunung̃an at catuiran. ¡Oh! ¿gasino ang tauo, aniya, hamac na ood sa lupà, at gaano ang caniyang naaalaman, at mang̃ang̃ahas lumaban sa mang̃a ipinagtatalaga nang Dios na di sucat malirip nang sinoman?
Magmulà na niyaon ay nagcaroon siya nang apuy, na di niya pinaghihirapan ang pagpapaning̃as; magmulà na niyaon ay di niya pinaghirapan ang pagiing̃at; nabuhay na siyang di lubhang nasisindac at naliligalig tungcol sa paghanap nang cacanin sa pulóng yaon.
Inaliban niya ang paghuli nang mang̃a hayop na llama, na siyang pinacausá cung baga dito sa Filipinas, at ang caniyang pinang̃asiuaan lamang muna ay ang pagiing̃at nang caniyang apuy at ang paglulutò nang hayop na yaon, na magmulà sa unang arao ay iniuan niya sa ihauan.
Sa pagca,t, ang apuy ay hindi umabot sa dacong ibaba nang sang̃a, na quinabibitinan nang caniyang hagdang lubid, ay mangyayaring siya,y, macasampa nang ualang pang̃anib. Ganito ng̃a ang caniyang guinauà; cumuha siya nang isang sang̃ang nagnining̃as, saca nanaog siya sa harapan nang pinapasucan sa caniyang tahanan at nagsigâ siya sa calapit nang laman nang hayop at muli siyang umaquiat nang ualang caliuagan at pinatay niya ang apuy na nagaalab sa cahoy, at caracaraca nama,y, namatay.
Ng̃ayo,y, si Robinson ay naguing cosinero na, at hinahaguisan nang yaguit ang caniyang sigâ nang houag mamatay, at nagpapalibidlibid sa caniyang ihauan. Totoo siyang nauiuili sa panonood nang apuy; at inaari niyang isang mahalagang biyayà nang Dios na ipinagcaloob sa caniya, hindi lumilicat nang pagdidilidili nang daquilang capaquinabang̃an na quinacamtan nang tauo sa apuy.
Si Ramon. Tunay ng̃a at ang apuy ay isang larauan nang cadiosan; siyang pinacamahal sa mang̃a elemento.
Ang ama. Caya ng̃a sa mang̃a bulag na gentil ó di binyagan ay isang caraniuang caugalian ang pagsamba at paggalang sa caniya. Sa Roma ay laguing iniing̃atan ang apuy sa templo nang diosa Vesta, sa Atenas ay sa templo ni Minerva, sa Delfos ay sa templo ni Apolo; at nabasa mo na cung paano ang guinagauang paggalang sa caniya sa Persia.
Si Ramon. Oo ng̃a, datapoua,t, tayo na, sa auà nang Dios, ay naliliuanagan nang tunay na aral, ay natatalastas natin na ang apuy ay hindi dios, cundi isang biyayà nang Dios, na para naman nang tubig, nang lupà at nang hang̃in, na nilic-hà at nang paquinabang̃an natin.
Ang ama. Sa pagcain nang nacaraang arao, niyong sinasalità co sa inyo, na ang iquinabusog ni Robinson ay ang laman nang hayop na llama na pinalambot sa capucpoc ay hindi niya inalumana ang caualan nang asin, at inaasahan niya na sa calaunan nang panahon marahil ay matatagpuan niya doon sa pulò; datapoua,t, ng̃ayon ay iquinatouà na niya ang pagparoon sa tabi nang dagat, at sumaloc siya nang isang bauo nang tubig na maalat, at siya niyang ibinasà sa laman nang hayop na llama, sa pagca,t, ualà siyang ibang asin.
Nang inaacalà niyang lutò na ay gaano caya ang caniyang catouaan sa unang pagputol at pagsubò nang caniyang ulam, ualang sucat matalastas cundi ang para niyang hindi nacatiquim na apat na lingo nang anomang pagcaing inalulutò sa apuy, at inaacalà niyang ualà siyang sucat asahan na macacain pa nang gayong pagcain.
Ang malaquing bagay na dapat matalastas ng̃ayon, ay cung paanong sucat niyang gau-in, at nang houag mamatay ang apuy.
Si Teodora. Iyan ay lubhang madali. ¿Mayroon pa cayang sucat gau-in para nang touî na,y, lag-yan nang cahoy?
Ang ama. Totoo ng̃a; ¿datapoua,t, sa gabi at cung habang siya,y, natutulog ay biglang bumacsac ang malacas na ulan, ay anong magagauà natin?
Si Luisa. Talastasin pô ninyo ang aquing sinasabi. Ang guinauà co sana,y, ang sigà ay pinanailalim co sa loob nang yung̃ib, na houag macapasoc ang tubig.
Ang ama. Hindi masamang caisipan iyan; datapoua,t, ang cahirapan ay ang yung̃ib na yaon ay totoong mahigpit na bahaguia na niya matulugan. At saca ualang butas na lalabasan nang usoc, na di niya icahihing̃a.
Si Luisa. ¡Ay! tunay ng̃a. Sa caguipitang iyan ay hindi co siya maaalis.
Si Juan. ¡Tingnang ninyo ang cahirapang ito! ¡diyata,t, sa touitouî na ay siya,y, na sa isang caguipitan! di mamacailang inaacalà natin na ang caauaauang si Robinson ay nacaalis na sa cahirapan; datapoua,t, hindi... Caguinsaguinsa,y, magcacaroon nang isang bagay na macapagpipighati sa caniya.
Ang ama. Diyan mo maquiquita ang laquing cahirapan sa isang tauo na matacpan niyang magisa ang lahat nang cailang̃an, at cung gaanong capaquinabang̃an ang ibinibigay sa atin nang paquiquisama. Oo, mang̃a anac co; tayong lahat ay totoong cahabaghabag, cung ang baua,t, isa sa atin ay mabuhay nang nagiisa, at ualang tulong na maaasahan sa ibang capouà tauo. Ang sanglibong camay ay hindi macagagauà at macapaghahandà nang quinacailang̃an nang baua,t, isa sa arao arao.
Si Juan. ¿Ano pang uica ninyo? ¿Sanglibong camay ay di macagagauà nang quinacailang̃an nang baua,t, isa sa arao arao?
Ang ama. ¿Hindi ca naniniualà, Juan? tingnan natin ang quinailang̃an mo ng̃ayong arao na ito. Unauna,y, natulog ca hangang sa lumabas ang arao; at sa isang hihigang magaling; ¿dili caya gayon?
Si Juan. Sa isang colchon at sa isang cumot at sa isang unan.
Ang ama. Ang colchon na lamang ang ating sabihin. Ito,y, quinasusulutan nang lana ó balahibo nang tupa, na ang unang una,y, naguing cailang̃an ang pagaalilà nang tupa, at ang isa,y, pumutol nang caniyang balahibo; ang isa,y, naglaba; ang isa,y, tumimbang at nagbili; ang isa,y, naghatid sa bahay nang lanero; at muling ipinagbili nito sa colchonero, na nang mangyaring maguing colchon, ay inihanay sa isang balotan nang liensong may guhit na tinatauag na terliz. ¿At saan nangaling ang terliz?
Si Juan. Guinauà nang manghahabi.
Ang ama. ¿At anong naguing cailang̃an paghabi?
Si Juan. Ang sinulid, at isang habihan, at iba,t, iba pa.
Ang ama. Sucat na. At sa paggauà nang habihan at lahat nang mang̃a casangcapan, ¿ilang camay ang naguing cailang̃an—Saca ang manghahabi ay hindi macahahabi cung ualang hinahabi; datapoua,t, ¿saan nila quinuha?
Si Juan. Sa mang̃a hilandera ó lumulubid nang hinahabi.
Ang ama. ¿At natatalastas mo cung ilang camay ang pinagdadaanan nang lino bago mahabi, na pasisimulan sa pagtatanim nang linasa ó cañamones?
Si Juan. Magdaraan sa apat ó limang camay.
Ang ama. Hindi lamang sa apat ó lima cundi sa dalauang puong camay. Datapoua,t, sabihin mo sa aquin: ¿ang carayom na ipinanahi sa colchon, ay hindi baga patalim? at ang patalim ¿ay hindi baga quinucuha sa mina? At magmulà nang macuha sa mina hang̃an sa maguing carayom, ¿ilang tauo ang naguing cailang̃an? ¿Ilang mang̃a casangcapan at mang̃a máquina ang naguing cailang̃an sa paggauà nang carayom? ¿At ilang mang̃a tauo ang naguing cailang̃an sa pagtatayò nang maquina?...
Si Juan. ¿Saan pô tayo hahanga?
Ang ama. Ng̃ayo,y, pagpisanpisanin mo at pagbilangbilang̃in ang guinugol na paggauà sa pagtatanim nang cañamo ó lino, at ang mang̃a ararong quinailang̃an nang magsasacá bago naitanim; ang sarisaring paggauà na quinacailang̃an sa paghabi; ang mang̃a naguing cailang̃an sa paglilinis nang lana, at sa paggauà nang carayom, tila ualang cabuluhang bagay; at saca ng̃ayo,y, sabihin mo sa aquin, cung natantò mo na na sa paggauà nang isang hihigan na tutulugan niyang mahinusay ay naguing cailang̃an ang sanglibong camay.
Si Teodora. Tingnan ng̃a pô ninyo na di macasasapat ang sanglibong camay sa quinacailang̃an natin sa arao arao.
Ang ama. Saca pagcurocuroin mo ang mang̃a ibang bagay na quinacailang̃an mo sa arao arao; bago mo sabihin sa aquin, cung sucat mong pagtachan na si Robinson ay palagui nang na sa isang malaquing caguipitan, yayamang ualang ibang camay na macatulong sa caniya, at niyong nagcacailang̃an na dito,y, iquinatatapus niyang madali nang anomang gagau-in.
Ang totoo niyang iquinaliligalig, ay ang paghanap nang paraan na magcaroong mulî nang apuy cung sacali,t, mamatay ang caniyang sigâ. Cung minsan ay quinacamot ang ulo sa pagpipilit nang pagcucurò nang mabuting paraan; cung minsa,y, biglang ilacpac ang camay sa pagcapagod nang caiisip; cung minsa,y, nagpapasial, na di maalaman cung ano ang caniyang gagau-in. Datapoua,t, sa catapusa,y, nailing̃ap lamang niya ang caniyang mata sa mang̃a batong nacaliliquid sa isang munting burol ay naisipan na niya ang caniyang gagau-in.
Si Enrique. ¿At ano caya yaon?
Ang ama. May isang batong malaqui na ang taas ay mahiguit na isang vara sa lupà.
Si Cárlos. ¿Gaano caya ang laqui?
Ang ama. Inaacalà cong may dalauang vara ang habà, isang vara ang luang at gayon din ang capal.
Baga ma,t, umulan nang malacas, ay tuyô rin ang ilalim nang batong yaon, na parang mayroong bubung̃an sa ibabao. Saca naquita ni Robinson na sa ilalim nang batong yaon ay macagagauà nang isang tahanan na totoong nababacuran; at napagmasdan pa na madaling macagauà doon nang isang cosina na may lalabasan nang usoc. Pinasiya ng̃a sa loob na caniyang pasimulan agad. Sa ilalim nang bató ay hinucay niya nang caniyang asarol ang lupà na mahiguit sa isang vara, at inaacalà niyang sarhan ang dalauang panig hangan sa umabot sa bató sa itaas.
Si Teodora. ¿At paanong gagau-in niya sa pagsasara sa dalauang panig?
Ang ama. Siya,y, nahirati nang pagmalasin ang lahat nang bagay na caniyang naquiquita, at itinatanong niya sa caniyang sarili: ¿ano caya ang cagagamitan co nito? caya ng̃a di niya inalintana ang pagcaquita nang isang lupang malagquit na caniyang napagmasdan sa isang lugar nang pulô; at magmulà niyao,y, sinabi niya sa caniyang sarili: ¿sinong nacatatalastas, cung maaalaman co ang paggauà sa lupang ito nang ladrillo at nang macapagbang̃on aco nang isang pader ó isang dingding? napagisip niya ang bagay na ito; at nang caniyang mahucay na ang lahat nang lupà sa caniyang cusina, ay dinampot niya ang caniyang asarol, quinuha niya ang caniyang sundang na bató, at siya,y, lumipat sa quinalalaguian nang lupang malagquit, ticang ipatutuloy ang bago niyang guinagauà.
Sa calacasan nang ulan ay lumambot ang putic na hindi niya pinaghirapan ang paggauà sa lupang yaon na maguing parang ladrillo, at pagcatapus ay maputol niyang magcaparapara. Nang caniyang magauà sa sandaling oras ang mang̃a ladrillong ito, ay inihanay niya sa isang lugar na tatamaan nang arao sa maghapon, at inaliban niya sa icalauang arao ang pagpapatuloy nang caniyang guinagauà, nagbalic siya sa caniyang tinatahanan, ticang cacanin niya ang natira niyang inihao, sa pagca,t, sa caniyang casipagan ay nagdamdam siya nang cagutuman. Nang mangyaring siya,y, macacaing magaling sa arao na yaon, ay dinagdagan niya ang caniyang pagcain nang laman nang niyog na caniyang natira, at dahil dito,y, totoong sumarap ang caniyang pagcain.
¡Ah! ang sigao ni Robinson na nagbubuntong hining̃a sa caibuturan nang pusò, sa caligayahan at calumbayan. ¡Ah, laquing capalaran co, aniya, ng̃ayon, cung aco,y, magcaroon nang isa man lamang caibigan, cahit isang tauong lalong maralità sa lahat nang salantâ na sumama sa aquin; isang may pagiisip, na mapagsabihan cong siya,y, aquing iniibig, at masabi naman niyang aco,y, iniibig niya! ¡Ó magcamayroon man lamang aco nang isang hayop sa bahay, isang aso, ó isang pusà, na aquing magauan nang magaling, at umamò at mamang̃inoon sa aquin! Dito na tumulò ang caniyang luhà, sa pagala-ala nang panahon na sucat niyang macamtan ang cauilíuiling paquíquísama sa caniyang mang̃a capatid at caibigan, na caniyang quinaauay. ¡Ay! ang sigao niya, sa malaquing capighatian nang pagcaalaala niya nang bagay na ito: ¡hindi co aniya napagaalaman noon ang cahalagahan nang isang caibigan! ¡Totoong mahirap pala ang ualà tayong caulayao, cung ninanasa nating mabuhay nang maligaya! Cung ng̃ayo,y, mangyayaring aco,y, magsaulì sa batà, ¡gaanong cagandahan nang loob ang ipaquiquita co sa aquing mang̃a capatid at mang̃a capouà batà! ¡Gaanong pagtitiis co sa mumunti nilang caculang̃an! ¡At gaanong pagiing̃at co at pagpipilit na macasundo ang lahat sa aquing mabuting caugalian, nang sila,y, mapilitang umibig sa aquin! ¿Baquit, Dios co, di co natalastas ang malaquing cagaling̃an nang paquiquipagcaibigan sa di co na macamtan, at di co macacamtan magpacailan man?
Nang caniyang masabi ito, ay nagcataong nailing̃ap niya ang mata sa isang suloc nang mahigpit niyang tahanan, at nacaquita siya nang isang gagamba na doo,y, gumauà nang bahay. Nacaramdam si Robinson nang isang malaquing caligayahan sa pagcaisip lamang na siya,y, matutulog na may isang casama, na di na napagcurò na yao,y, isang hayop na totoong ualang halaga. Tinicang humuli arao arao nang lang̃ao nang maibigay sa gagamba, at nang caniyang maipaquilala sa hayop na yaon, na siya,y, na sa sa isang lugar na ualang sucat catacutan, at doo,y, siya,y, pinacacain nang boong pagibig at casaganaan, at nang mangyaring siya,y, umamò cung mangyayari.
Yayamang hindi pa guinagabi, at ang hang̃ing humihihip ay malamig at maguinhaua dahil sa nagdaang unós, ay ayao si Robinsong matulog, cundi gugulin pa ang sandaling panahon sa isang bagay na may casaysayan; dahil dito,y, hinauacan ang caníyang asarol, at mínulan ang paghucay nang lupà nang caniyang cusina. Datapoua,t, tinamaan niyang nagcataon ang isang bagay na matigas na nababaon sa lupà, at halos nasirà ang caniyang asarol. Inacalà niyang yao,y, isang bató: datapoua,t, ¡gaano ang caniyang pagtataca nang caniyang buhatin ang bagay na yaon na totoong matigas at mabigat, at naquita niyang yao,y, guintong dalisay!
Si Juan. ¡Totoong mapalad naman yaong si Robinson na ualang cahalimbauà!
Ang ama. Mangyari; siya,y, anac nang capalaran. Ang guintong caniyang nacuha ay totoong malaqui na cung caniyang gagau-ing salapî ay lalabasan nang sandaang libong piso. Tingnan mo at totoong mayaman na at macapangyarihan si Robinson. ¡Ilang bagay caya ang caniyang mabibili at ilang tauo caya ang caniyang mauutusan! mangyayaring siya,y, macapagpatayò nang isang Palacio, magcacaroon siya nang mang̃a salamin, mang̃a palamuti sa bahay, mang̃a carruage, mang̃a cabayo, mang̃a alilà, at sarisari pang bagay.
Si Teodora. Oo ng̃a pò, datapoua,t, ¿saan siya cucuha sa pulong yaon nang mang̃a bagay na iyan, cung doo,y, ualà isa mang tauong magbili sa caniya nang anomang bagay?
Ang ama. Totoo ng̃a ang salitâ mo: hindi co naalaala ang bagay na yaon. Datapoua,t, si Robinson ang siyang nacapagdilidili niyan, sa pagca,t, bucod sa di niya iquinaligaya ang pagcaquita nang cayamanang iyan, ay caniyang sinicaran at pinaguicaan nang ganito: «Diyan ca matapon, hamac na guintò, na caranìua,y, totoong pinipita nang mang̃a tauo, at di miminsang sa pagcacamit sa iyo ay nacagagauà nang cahiyahiyà at cung minsa,y, nagcacasala pa. ¿Anong mahihitâ co sa iyo? ¡Oh! cung ang naquita co sana,y, isang pirasong bacal, marahil ay magagauà cong isang palacol ó isang sundang! ay ualang caliuagang ipagpapalit quita sa isang dacot na pacò, ó sa alin mang casangcapang paquiquinabang̃an.» Iniuan niya sa lupà yaong mahalagang bagay, at pagcatapus ay bahaguia na niya matingnan cung siya,y, napaparaan sa quinalalaguian.
Si Luisa. Natatalastas pô ninyo na ang caniyang guinauà ay para nang guinauà nang manoc.
Ang ama. ¿Ano ang guinauà nang manoc?
Si Luisa. ¿Baquit pô? ¿Nalilimutan na baga ninyo ang fábula na inyong sinalitâ sa amin isang arao? minsa,y, ang isang manoc ay nagcucutcot sa lupà; at di caguinsaguinsa,y, nacaquita siya nang isang mahalagang bagay...... ¿Ano cayang mahalagang bagay?
Ang ama. ¿Isang margarita baga?
Si Luisa. Oo pô, isang margarita na ang pahayag ninyo sa amin ay isang perlas. At ang sinabi nang manoc ay ganito: «¿Anong mahihitâ co sa iyo cahit anong diquit mo? mabuti pa sa aquin ang aco,y, nacaquita nang isang butil na palay.» At dahil dito,y, pinabayaan ang margarita sa lupà, at hindi na niya inalaala minsan man.
Ang ama. Totoong mabuti ang pagcacatulad mo sa fábula. Ganito ng̃a ang guinauà ni Robinson sa guintong caniyang nasumpung̃an.
Samantalang nalalapit naman ang gabi, sa pagca,t, matagal nang ang arao ay sumusucsoc na sa dagat.
Si Teodora. ¿Baquit pô sumusucsoc sa dagat?
Ang ama. Ganito ng̃a ang acalà nang mang̃a nagsisitahan sa capuluan, ó as alin mang lugar na ualang naquiquita cundi dagat. Ang ting̃in nila,y, capag lumulubog ang arao, ay tila totoong napaiilalim sa dagat; at dahil dito,y, sinasabi natin na cung minsan ay napaiilalim sa dagat; sumicat na maliuanag ang bouan sa cabilang ibayo nang lang̃it, na naliliuanagan ang yung̃ib ni Robinson nang isang cauiliuiling liuanag, na sa caligayahan nang pagmamasid ay nalaon bago natulog.
Datapoua,t, nang mahaguisan na niya nang mang̃a malalaquing cahoy ang apuy nang lumagui ang ning̃as, ay siya,y, natulog na.
Tayo naman ay liniliuanagan ng̃ayon nang banaag nang bouan, ay nagbibigay liuanag sa lupà. Habang tayo,y, napatutung̃o sa bahay ay ating pagmalasing magaling. Tingnan ninyo at totoong mariquit at cauiliuili; at handugan natin nang pasasalamat ang lumic-hâ sa caniya, at nang magbauas ang calungcutang inihahandog sa atin nang cadiliman nang gabi.
Talababa
Notes
3 Sa Europa ay bihira ng̃a ang namamatay sa culog; datapoua,t, hindi gayon dito sa sancapuluan na sa taon taon ay hindi nauaualan nang nababalitang namatay sa culog.