Icaualong Hapon
Si Cárlos. Inang, inang.
Ang ina. ¿Ano ang ibig mo, Cárlos?
Si Càrlos. Ang uicá pò ni Juan ay mangyaring padalhan ninyo siya nang ibang barò.
Ang ina. ¿At baquit?
Si Cárlos. Hindi pô macaalis sa paligoan sa pagca,t, linabhan niya ang caniyang barò, at hangang ng̃ayo,y, basà pa. Ibig pong tumulad cay Robinson.
Ang ina. Cung gayo,y, mabuti. Bibig-yan co siya nang ibang barò. Abutin mo; itacbo mo sa caniya at pagcatapus ay pumarito cayong lahat, sa pagca,t, sasalitin sa inyo nang inyong ama ang historia ni Robinson.
Ang ama. (Si Juan na casama nang ibang mang̃a batà ay pinagsabihan nang ganito:) ¿nacapaligò ca bagang magaling, catoto cong Robinson?
Si Juan. Totoo pong magaling, hindi pò lamang natuyò ang aquing barò.
Ang ama. Dapat mong pagcurocuroin na dito sa lugar na ito ay hindi totoong mainit na para sa pulò ni Robinson. Datapoua,t, ¿saan tayo natiguil?
Si Enrique. Sa pagtulog ni Robinson. ¿Ng̃ayo,y, tingnan natin cung ano ang guinauà quinabucasan?
Ang ama. Quinabucasan ay nagbang̃on, at humandâ sa paghuli nang mang̃a hayop na llama, pinunò ang caniyang supot nang maraming patatas na inihao, at nang isang malaquing pirasong laman nang pagong na binalot niya sa dahon nang niyog. Quinuha ang caniyang palacol; itinali sa catauan ang lubid na may silò na guinauà niya sa paghuli nang mang̃a hayop na llama; dinala ang caniyang payong, at lumacad na. Sa pagca,t, totoo pang maaga, ay pinasiya sa loob na siya,y, magpaliguid, na ang ibig niya,y, malibot ang mang̃a lugar na di niya nararating sa caniyang pulò. Dito sa caniyang paglibot na ito ay nacaquita siya nang di mabilang na mang̃a ibon na nacadapo sa mang̃a sang̃á nang cahoy, at may mang̃a loro na totoong maririquit ang balahibo. ¡Gaano ang pagnanasà niya na macahuli nang isa nang mang̃a ibong yaon, at nang caniyang mapaamò at macasama niya! datapoua,t, ang mang̃a matatandang loro ay totoong maiilap na na di sucat madaquip, at saan man siya pumaroon ay ualang maquitang pugad na macunan nang inacay; caya ng̃a pinabayaan niya sa ibang arao ang panghuhuli nito.
Datapoua,t, gayon ma,y, nacaquita siya nang isang bagay na lalò pang cailang̃an sa mang̃a loro; sa pagca,t, siya,y, umaquiat sa isang burol na nalalapit sa dagat at tuming̃in siya sa mang̃a lubac nang mang̃a bató, ay naquita sa lupà ang isang bagay na totoong napansin niya. Bumabà siya na gumagapang, at natalastas niya nang boong caligayahan na ang caniyang naquita ay may halagang bagay. ¿Ano cayang bagay yaon?
Si Enrique. ¿Perlas pô baga?
Si Juan. ¿Icaliligaya baga niya ito? Marahil ay bacal. ¿Ano caya yaon? Sinabi pò ninyo sa amin doon sa lugar na maiinit ay ualang naquiquitang bacal. ¿Marahil ay isang buntong guintó?
Si Luisa. Hindi aco macapaniniualà niyan. ¿At ano ang paquiquinabang̃an niya sa guintò?
Ang ama. Hindi ninyo natumpacan. Cung gayo,y, sasabihin co sa inyo. Ang caniyang naquita ay asin. Tunay ng̃a na hangan niyon ay ang guinagauà niyang asin ay ang tubig na maalat sa dagat; datapoua,t, ¡laquing caibhan niyon! ang tubig sa dagat ay masaclap at mapait; at bucod dito,y, nagcacamali si Robinson nang paniniualà, na ang lamang cating asnan nang tubig sa dagat ay hindi masisirà, sa pagca,t, ang tubig sa dagat, para naman nang tubig sa batis at sa ilog ay nasisirà cung magtagal sa alin mang sisidlan. Caya ng̃a, nagcamit nang di mumunting capalaran sa pagcaquita nang tunay na asin, at ang guinauà niya,y, pinunong magaling ang bulsa nang caniyang casaca, at caracaraca,y, caniyang dinala sa caniyang yung̃ib itong bagay na totoo niyang quinacailang̃an.
Si Teodora. At ang asing ito ¿saan caya nangaling?
Ang ama. Ualang pagsalang nalilimutan mo na ang ipinahayag co sa inyong isang arao tungcol sa pinangagaling̃an nang asin.
Si Juan. Hangan ng̃ayon hindi co quinalilimutan. May asing quinucuha sa lupà; at saca mayroon namang asing guinagauà sa tubig na maalat, na tumutubò sa alin mang batis; at mayroon namang guinagauà sa tubig na maalat.
Ang ama. Gayon ng̃a; at ang mang̃a nangagaling sa tubig sa dagat, ay guinagauà nang mang̃a tauo, ó sa init caya nang arao.
Si Teodora. ¿Baquit pò sa arao?
Ang ama. Oo, sa pagca,t, capag lumaqui ang tubig at umurong, ay ang tubig na natitira sa lupà ay natutuyong untiunti, at ang natitira sa lugar na yaon, ay siyang naguiguing asin.
Si Luisa. ¡Tingnan ninyo ang bagay na yaon!
Ang ama. Dito matatalastas ang cagaling̃an nang Dios sa pagcacaling̃a sa atin; na sa mang̃a bagay na totoo nating quinacailang̃an, ay siyang lalong humihing̃i nang munting capaguran, at siyang ipinagcacaloob nang lalong casaganaan.
Lumacad na ng̃a si Robinson nang boong casayahan sa lugar na caniyang panghuhulihan nang mang̃a hayop na llama; datapoua,t, isa ma,y, ualang naquita. Totoo ng̃a,t, may caagahan at di pa dumarating ang catanghalian, ang guinauà niya,y, naupò sa tabi nang isang cahoy, na doon niya quinain ang pagong at mang̃a patatas, na sa pagca,t, may asin na ay totoong nasarapan niya.
Di pa nalalaong natatapus siya nang pagcain, ay naquita niya sa malayò ang mang̃a hayop na llama na naglulucsuhan na patung̃o sa caniya. Caracaraca,y, humandà ang ating bayani, at nacaacmà ang silong inaantay niyang may malapit. Nagdaan ang marami, datapoua,t, ualang nalalapit isa man; datapoua,t, caguinsa-guinsa ay may salalapit sa caniyang isa, ay ibinabà lamang niya ang caniyang camay na may tang̃ang silò, ay nahuli na ang hayop na yaon.
Ito,y, nagsisigao: datapoua,t, sa tacòt ni Robinson na baca magulat ang iba ay hinigpit niyang magaling ang silò, at saca itinagò niya agad sa damohan, at nang houag maquita nang iba.
Babayi ang caniyang nahuli at may dalauang inacay, na sumusunod sa canilang ina, at ito,y, totoong iquinatouà ni Robinson, na di nagdadalang tacot sa caniya. Caniyang pinaghihinimashimas ang mang̃a inacay, at sa malaquing caamoan ay hinihimuran ang caniyang camay, na parang nagmamacaauang paualan ang canilang ina.
Si Teodora. Mangyayaring caniyang paualan.
Ang ama. Malaquing hang̃al siya cung gayon ang caniyang gagau-in.
Si Teodora. Oo ng̃a pò; datapoua,t, ang mang̃a caauaauang hayop ay hindi gumagauà nang masamà sa sinoman.
Ang ama. Quinacailang̃an sila ni Robinson, anac co; at sinabi na natin na hindi masamà na gamitin natin at patayin ang mang̃a hayop, cung cailang̃an, liban na lamang cundi natin paquiquinabang̃an.
Totoo ng̃ang natouà si Robinson sa pagcaquitang nasunod ang caniyang nasà; at baga ma,t, nagpupumiglas ang nahuli niyang hayop, ay pinagpilitan niyang supilin nang boong lacas, at itinaboy niyang casama nang caniyang mang̃a inacay sa daang lalong madali na patung̃o sa caniyang tahanan.
Datapoua,t, ang cahirapan lamang ay hindi niya maalaman ang caniyang paglalag-yan sa caniyang mang̃a hayop, sa pagca,t, nasasarhan nang mang̃a bacod ang harapan nang caniyang tinatahanan. Cung caniyang ihugos magmula sa ibabao nang yung̃ib ay may pang̃anib na mabicti. Caya minarapat ni Robinson na siya,y, gumauà nang isang munting culung̃an na paglalag-yan muna, samantalang hindi siya nacagagauà nang lalong mabuti.
Habang hindi pa nayayari ang caniyang culung̃an ay itinali ang hayop sa isang punò nang cahoy at pinasimulan na niya ang paggauà, na nagputól siya nang maliliit na sang̃a nang cahoy, at ipinagbabaon niya nang diquitdiquit na naguing parang isang culung̃an. Habang guinagauà niya ito ay sa capaguran nahiga ang hayop na llama, at ang ualang malay niyang inacay ay sumususong mapayapa, na di natatalastas na sila,y, na sa iba nang camay. ¡Laquing pagcalugod ni Robinson sa pagcaquita nito! hindi miminsang itinitiguil ang caniyang gauà sa pagcalibang sa panonood nang caniyang mang̃a hayop, at totoong nagpapasalamat siya sa caniyang capalaran, at siya,y, may casama na. Mula sa oras na yaon ay inaacalà niyang hindi na siya nagiisa; at ang pagcagunitang ito,y, nagbigay sa caniya nang lacas at calicsihan, na sa sandaling panahon lamang ay nautas ang caniyang mang̃a hayop, at ang pinagpasucan ay sinarhan nang mang̃a sang̃a nang cahoy.
Dili sucat maipahayag ang caguilioguilio na caligayahan nang loob ni Robinson sa sandaling yaon, sa pagca,t, bucod sa mayroon siyang macacasamang mang̃a hayop, na totoong iquinaliligaya niya, ay inaasahan niyang totoo na mayroon pa siyang macucuhang mang̃a malalaquing capaquinabang̃an. Marahil ay sa calaunan nang panahon ay matututo siyang humabi nang damit sa balahibo nang gatas at magagauà pa niyang mantequilla at queso. Tunay ng̃a,t, hindi pa niya napagaalaman cung paano ang paraan nang paggauà nang mang̃a bagay na ito; datapoua,t, totoong nararanasan na di dapat pahinain ang loob nang sinoman sa paggauà nang anomang bagay ang nagcuculang sa caniya sa icapupuspos nang caniyang capalaran; sa pagca,t ang ibig niya,y, tumahang casama nang mang̃a minamahal niyang hayop, at nang palagui niyang namamasdan, na aalagaan, at magcaroon siya nang catouaan cung maquita niyang totoong umaamo sa caniya.
Pinagpilitan niyang matagal na pagcurocuroin cung paano ang pagcaganap nang caniyang ninanasà; at sa catapusa,y, pinasiya sa loob na na houag patauarin ang anomang capaguran, at bubuscan niya ang isang panig na nacababacod na cahoy sa caniyang tahanan, at caniyang paluluang̃in. Datapoua,t, na ang caniyang tinatahanan ay di maualan nang catibayan, ay hangang guinagauà niya ang bagong bacod ay hindi niya iniuasac ang dati hangan sa di muna nayari.
Sa caniyang caligayahan ay natapus niyang mang̃a ilang arao ang gauang ito at nagcaroon siya nang totoong malaquing caaliuan sa pagcacaroon nang tatlong casama, at hindi dahil dito,y, quinalimutan ang caniyang aliuan sa pagpapacain sa gagambang naguing una niyang casama, bagcus pa ng̃ang ipinatuloy ang pagpapacain niya nang mang̃a lang̃ao at lamoc arao arao sa gagamba at ang gagambang ito, na sa pagcatalatas na siya,y, minamahal, ay umamo totoo, na bahaguia na lamang lumalapit si Robinson sa caniyang bahay ay quinacagat na sa caniyang camay.
Nahirati namang totoo sa paquiquisama sa caniya ang mang̃a hayop na llama; at sa touî siyang magbabalic sa caniyang tahanan ay sumasalubong sa caniyang naglulucsuhan, inaamoy siya at nang matalastas na cung may ouî siyang cacanin, at hinihimuran ang caniyang mang̃a camay tandà nang pagpapasalamat, capag binibig-yan niya nang sariuang damó, ó mang̃a murang sang̃a nang cahoy. Nang di na sumususo ang dalauang inacay, ay pinasimulan na ang paggatas sa umaga,t, hapon, na ang guinagamit niyang saro ay ang mang̃a bauo; at ang gatas na caniyang iniinom, ay totoo niyang minamasarap, na nacapagbibigay guinhaua sa caniya doon sa maralità at capanglaopanglao na pamumuhay.
Sa pagca,t, ang punò nang niyog ay totoo niyang pinaquiquinabang̃an at marami siyang pinaggagamitan, ay nagnanasà siyang masaquit na maparami niya ang mang̃a punò nang niyog; datapoua,t, ¿ano cayang paraan ang caniyang gagauin? di mamacailang naring̃ig niya na ang mang̃a punó nang cahoy ay pinapagsusupling, datapoua,t, cailan man ay hindi niya pinagaralan ang tunay na paraan nang paggauà nito. ¡Macalilibong mapabuntong hining̃a siya! ¡Laquing cahang̃alan co, aniya, at di aco nagsamantala sa panahon nang aquing cabataan, sa pagaaral nang dapat matutuhan! Cung natalastas co sana niyong mabuti ang mang̃a bagay na aquing paquiquinabang̃an ¿pababayaan co baga na di matutunan ang mang̃a bagay na aquing naquiquita at nariring̃ig? Cung ang aquing caisipan ay hindi macaabot sa nararating nang iba ay pagpipipilitan cong matuto man lamang aco nang caunti, at disin sana,y, ang caunting carunung̃ang yaon ay paquiquinabang̃an cong totoo ng̃ayon. Cung aco,y, sana,y, magcapalad na magbalic sa aquing cabataan, ¡laquing pagpipilit co na matatalastas ang lahat nang guinagauà nang ibang mang̃a tauo! ualang anluagui at magsasacá na di co tutularan.
Datapoua,t, ¿anong caniyang mapapala; sa pagsisising ito, ng̃ayong ualà na siyang magauà? Ang nararapat ay pang̃ahasan niyang ticman ang hindi niya napagaalaman; at ito ng̃a ang siya niyang guinauà.
Hindi niya naaalaman cung siya,y, natutumpac ó hindi, ay caniyang pinutol sa itaas ang tatlong supling, humucay siya sa guitna nang punò, at ipinasoc niya ang isang murang sang̃a nang niyog, at nang caniyang mabalot na nang balat ang canyang hinucayan, ay inaantay niyang masaquit cung ano ang lalabas doon. At tingnan ninyo,t, siya,y natumpac sa paggaua nito; sa pagca,t, nang macaraan ang ilang panahon ay tumubo ang supling, cung sa bagay ay natutuhan niya ang paraan nang pagpaparami nitong totoong mahalagang halaman. Bagong caligayahan, bagong pagquilala at pagpapasalamat ni Robinson sa Maycapal na nagcaloob sa mang̃a bagaybagay dito sa lupà nang mang̃a bisà at tang̃ing capangyarihan, nang masundan nang mang̃a tauo saansaan man ang mang̃a paraan nang canilang icabubuhay at icaguiguinhaua. Sa sandaling panahon ay totoong nagsiamò ang mang̃a hayop ni Robinson, na cung baga sa atin ay parang mang̃a aso; at caya ng̃a nagagamit niya paglala nang anomang bagay na ibig niyang ilipat saan mang lugar.
Si Juan. Datapoua,t, ¿paano pong guinagaua niyang pagpapalabas sa loob nang bacuran?
Ang ama. Totoo ang sabi mo: nacalimutan cong di naipahayag na sa isang tabi nang bagong bacuran, ay may isang munting pintô, ng̃unit, sucat malabasan at mapasucan nang mang̃a hayop na yaon cung yuyucod. Sa dacong labas ay mahirap maquita ang pintong yaon, at dacong loob ay sinasarhang matibay ni Robinson cung gabi nang pinagsalasalang sang̃a. Totoong mariquit panoorin ang pagoui ni Robinson sa caniyang tahanan na ang nang̃ung̃una,y, ang maamong hayop at nacatatalastas nang daan na pagdating nang caniyang pang̃inoon, capagdating sa pintò ay tumitiguil at nang maibis siya nang pasan, pagcatapus ay pumapasoc na nacayucod, at saca sumusunod kay Robinson.
Datapoua,t, ¿ano ang sasabihin co sa pagsalubong nang mang̃a inacay sa canilang ina? Caracaraca,y, sinasalubong siya, na ipinahahayag ang canilang catotouaan nang paglucso at pagsigao; nagdudumali naman nang pagsalubong sa canilang pang̃inoon. Natotouang di hamak si Robinson sa gayong asal nang caniyang mang̃a hayop, tulad sa isang ama sa pagcaquitang di magcamayao ang caniyang mang̃a anac, sa pagcaquitang siya,y, bagong dating, na mahaba nang panahong di siya naquiquita at muli niyang yayacapin sila.
Si Basilio. Tunay ng̃a at totoong nacatotoua, at bucod dito,y, naguiguing isang aral sa atin ang pagganting loob nang mg̃a hayop sa tauong nagmamahal sa canila.
Ang ama. Tungcol sa bagay na iyan ay may marami at mang̃a catacatacang halimbauà, na mapipilitan tayong magacalà na tila tunay na sila,y, mayroong pagiisip na para nang tauo, cung ualang mang̃a ibang catunayan na nagpapatotoong uala ng̃a siyang pagiisip.
Si Enrique. Caya ng̃a, sa ating librito nang Moral ay sinasalitâ ang pagganting loob nang leon sa tauong bumunot nang tinic sa caniyang paa.
Si Teodora. Ay, naalaala co na. At yao,y, isang leong totoong magaling, sa pagca totoong umiibg sa tauong nagcauang gauà sa caniya; at pagcatapus ay minsang sila,y, nagquita, ay sa gayong matatampalasan niya, ay hindi inanó: ibig cong magcaroon nang isang leong munti, cung gayon ang asal nang lahat.
Ang ama. Mang̃a anac co, ng̃ayo,y, nalilimutan natin si Robinson, at quinalilibang̃an natin ang caniyang historia, itiguil muna natin ng̃ayon, at saca na natin ipagtuloy sa ibang arao.
Si Teodora. Houag pò, houag pò, caunti pa pong salitâ cay Robinson.
Ang ama. Tumigas na ang caniyang mang̃a ladrillo na magagaua niyang pader, at sa caualan nang apog, ay humanap siya nang lupà. Isang manipis at malinis na bató ang guinaua niyang sandoc; at sa pagnanasa niyang magcaroon nang lahat nang casangcapan nang cantero ay nagpumilit siyang gumauà na cahit papaano.
Si Nicolás. Oo pô, at naquita namin ang mang̃a casangcapang iyan.
Ang ama. Yayamang siya,y, mayroon nang mang̃a ladrillo,t, casangcapan, ay ipinapasan niya ang mang̃a quinacailang̃an niyang ladrillo sa caniyang hayop.
Si Juan. Datapoua,t ¿paano ang gagau-in niyang pagpapasan sa hayop na llama nang mang̃a ladrillo?
Ang ama. Mahirap ninyong mahulaan; datapoua,t, sasabihin co sa inyo.
Malaon nang panahong iniisip ni Robinson cung gaanong capaquinabang̃an ang caniyang cacamtan sa pagcatutong gumauà nang buslò; datapoua,t, nang siya,y, batà pa ay pinauaualan niyang halaga ang paggauà nang mang̃a manlalala nang buslò, na inaari niyang totoong madali, na para naman nang inaacalà niya sa mang̃a ibang bagay. Gayon ma,y, sa pagca,t, siya,y, natumpac nang gumauà nang balancas nang caniyang payong, nang matapus ay pinagaralan niyang matagal sa mang̃a oras na ualà siyang guinagaua ang paglala nang buslò hangan sa natutuhan niya na macayari siya nang isang buslong may catibayan. Natatalastas na ninyo na ang macagauà nang isang daan. Si Robinson ay gumauà nang dalaua, pinagcabit at inilagay na pinapagtimbang sa licod nang caniyang hayop na llama.
Si Juan. ¡Ay ama co! matotouà acong magaral na maglala nang buslò.
Ang ama. At aco naman, Juan. Isang arao ay paparituhin natin ang isang manlalala nang buslò, at tayo ay paturò sa caniya.
Si Juan. Mabuti pò; at cung gayo,y, gagauà aco nang isang canastillong totoong mariquit na ibibigay co cay Luisa.
Si Luisa. Aco po,y magaaral naman: ¿ibig pò baga ninyo, ama co?
Ang ama. Malaqui ang ibig co; at iyong mapapaquinabang̃an. Mangyayari ng̃ang sa atin ay marapat ang paglalala nang buslò, sa mang̃a oras na nagsasalità aco sa inyo nang anomang historia, at ualà tayong nagagaua na pinagcacalibang̃an.
Totoong madali ang pagcayari ni Robinson sa bago niyang guinagauà, at naibang̃on na ang isang panig nang pader, at nailagay na ang simiento nang cabilang panig, ay siyang pagcacataon na may nangyari sa caniyang biglang biglâ na isang bagay na di niya nagugunitâ at di nararanasranasan na sa isang sandali ay nasira ang lahat niyang binabantà at napaui ang lahat niyang pagasa.
Si Juan. ¿Ano pò ang sacunang yaon?
Si Luisa. Natapus na: dumating ang mang̃a tauong damó, at siya,y, nilamon.
Si Teodora. ¡Dios co! ¿Tunay ng̃a pô baga na siya,y, nilamon, ama ko?
Ang ama. Hindi: hindi iyan, cundi ibang bagay na totoong quinatacutan niya para nang cung iihao siyang buháy niyong mang̃a tauong damo.
Si Juan. Maanong sabihin pò ninyo sa amin, at aco,y, nang̃ing̃inig nang tacot.
Ang ama. Niyon ay gabi na; ang bouan ay totoong nagliliuanag, humihihip ang palaypalay na hang̃in, at ang boong sangsinucuban ay na sa isang daquilang capayapaan. Si Robinson ay sa capaguran sa caniyang mang̃a guinagauà, ay naghihilighiligang matahimic sa caniyang hihigan na na sa caniyang paanan ang caniyang mang̃a hayop; at siya,y, nacalilimot na, at napapanaguinip na para nang caraniuang nangyayari sa caniya ang caniyang mang̃a iniibig na magulang, caguinsaguinsa,y,... Datapoua,t, houag nating ipatuloy itong nangyayaring caquilaquilabot, at baca inyong mapanaguinip ay magcaroon cayo nang caligaligan sa gabing ito.
Ang lahat. ¡Ay sayang na sayang!
Ang ama. Itiguil natin ng̃ayon ang bagay na ito, at ang isipin natin ay ang macalilibang sa inyo, at nang matapus ang arao sa caligayahan, yayamang ang naguing pasimulâ ay sa caligayahan din, at sa pagca,t, pinabayaan nang Dios na pacamtan sa atin.
Hali cayo, mang̃a anac co, tayo,y, magalio na sandali sa ating jardin, at alagaan natin ang ating mang̃a bulaclac; yayamang hangang ng̃ayon ay hindi pa natin nadadalao.